TODAS ang dalawang pinaghihinalaang mga kasapi ng akyat-bahay gang habang hindi na umabot sa ospital at nasawi ang security guard sa nangyaring barilan sa loob ng isang high-end subdivision sa Upper Balulang sa Cagayan de Oro City kaninang madaling-araw, Nobyembre 11.
Nabatid na namataan ng mga guwardiya na naka-detail sa Xavier Estates ang dalawang armadong suspek na tangka sanang pumasok sa isang bahay upang magnakaw.
Ayon kay S/Insp. Jophet Paglinawan, hepe ng Carmen Police Station, nagkapalitan ng putok ang dalawang panig na nagresulta sa pagkapatay ng hindi nakilalang mga suspek.
Bago nasawi ang guwardiyang si Alexander Borbos, tinamaan pa nito ng apat na beses ang naunang suspek ngunit disgrasyang nagtamo rin ito ng sugat sa dibdib. Dead-on-arrival ito sa Northern Mindanao Medical Center.
Tinangka pa ng isang suspek na tumakas subalit napalibutan na ito ng mga guwardiya kaya napilitang makipagbarilan hanggang sa tinamaan at minalas na masawi.
Tinamaan din ang isa pang guwardiya na si Jerand Cabanieros na huling nakipagbarilan sa pangalawang suspek na kanilang napatay.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang management ng subdibidisyon.
Hinigpitan na rin ang seguridad sa buong lugar kasunod ng pangyayari. MARJORIE DACORO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment