Nagpaabot din ng kanilang tulong sa mga naging biktima ng super typhoon ‘Yolanda’ ang mamamahala sa 2014 Asian Games Incheon, Korea. Mismong ang presidente ng Incheon Asian Games Organising Committee (IAGOC) na si Kim Young Soo, matapos ang kanyang pagsasalita sa lahat ng delegado na dumalo sa Chef De Mission Seminar noong Disyembre 2, ang nagpaabot ng pagtulong sa Pilipinas na iprinisinta ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia.
Una munang isinagawa ng IAGOC sa lahat ng delegado ng mga National Olympic Committee sa Asya ang pagbibigay ng isang tanghalian sa Songdo Convensia Centre kung saan ay pinasalamatan ni Kim ang lahat at nagsabing mayroon na lamang 290 araw bago ang opening ceremony ng 17th Asian Games sa Setyembre 19, 2014.
Pinasalamatan din ni Kim ang OCA, Korean government, ang Korean Olympic Committee at Incheon Metropolitan City sa kanilang pagtulong sa IAGOC habang umapela sa “spirit of sportsmanship” at “fair play” sa pag-aagawan sa gintong medalya sa 17th Asiad na gaganapin sa Setyembre 19 hangang Oktubre 4.
“I am asking the Chefs de Mission here to work together for the success of the Asian Games,” sinabi nito. “Together we can take sport to the next level through the Incheon Asian Games.”
Matapos nito ay ibinigay ni Kim sa isang sorpresang presentasyon kay Garcia ang kabuuang halagang US$10,000 at 2,000 items upang maitulong sa pagbangong ng mga nabiktima ng bagyong ‘Haiyan’.
Paglalabanan sa Asian Games ang kabuuang 36 sports at lalahukan ng 20,000 athletes, team officials at media mula sa kasaling 45 NOCs.
Ipinakita naman sa mga delegayon ang itinayong lugar ng kompetisyon na kabilang ang Main Stadium, Athletes’ Village, ang Park Tae-Hwan Munhak Aquatics Centre, Incheon 2002 World Cup football stadium, hockey stadium at ang boxing gymnasium sa Seonhak.
Ang limang palapag, 61,074- capacity 2014 Incheon Asiad Main Stadium ay nagkakahalaga ng US$465 milyon para maitayo at pagganapan ng opening at closing ceremonies at mga laro ng athletics.
Pinuntahan din ang dalawa sa tatlong iba’t ibang pasilidad ng apartment sa Guwol Asiad Athletes’ Village sa Central Incheon, na siyang titirhan ng 13,000 atleta at opisyal. Ang katabi nitong Media Village ay kayang maglagay ng 2,900 media. Lahat ng apartment ay may tatlong kama at dalawang bathroom.
Ang Village ay binubuo ng tatlong block, 22 buildings na may 29 palapag kada isa at 2,220 apartments na mayroong 6,660 kuwarto. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment