Wednesday, December 18, 2013

Eleksiyon ng PABA, ipoporma na

Maghaharap bukas ang mga opisyal ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) upang pag-usapan ang liderato at isaayos ang mga krusyal na dokumento at listahan ng miyembro para ihanda ang matagal na nilang nabinbin na eleksiyon.


Magkikita ang lahat ng stakeholders, maging ang lider ng dalawang grupo na namamayani sa PABA sa bahay mismo ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco upang itakda ang proseso sa paghahalal ng bagong pangulo at mga opisyal ng organisasyon.



“Inaasahang pagdidiskusyunan kung sino ba talaga ang bubuo sa membership at siyempre ang verification sa mga magiging stakeholders. Isa din sa agenda ang ratification ng bagong Constitution and By Laws at iyong proposal na palitan ang pangalan ng asosasyon para gawing Tagalog,” sinabi ng isang opisyal ng asosasyon.


Gayunman, kailangan munang ayusin sa isasagawang pulong ang pagkakaroon ng dalawang paksiyon sa PABA.


Ito ay matapos na ibulgar ng source na sa kasalukuyan ay iba na ang liderato ng PABA na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) na may siyam na kataong opisyal kung saan ang anak ng yumaong dating presidente na si Hector Navasero na si Tomas Hector ang nakalagay bilang pangulo.


Wala naman sa listahan ng opisyal ang PABA Executive vice-president na si Eladio Baradas na dapat sanang uupo bilang acting president bilang pagsunod sa “line of succession” ng asosasyon matapos na yumao ang presidente.


Dapat sanang isagawa noong Disyembre 5 ang eleksiyon ng asosasyon subalit kinansela ito ni Navasero tungo sa Enero 2014 upang mapag-aralan pa ang mga isasaling stakeholders habang gayundin ang grupo ni Baradas at Emmanuel Angeles na nagpulong sa Quezon City Sports Club.


Sinabi ni PABA chairman Angeles na iniusog ang eleksiyon “upon the request of secretary general Tom Navasero” subalit itinakda ng regional directors na punan ang naiwang bakante sa liderato dahil sa pagkawala ng dating presidente na si Hector.


“We confirmed Ely Baradas as acting president by virtue of the PABA Constitution and by-Laws, which state that in case of death, incapacity or resignation of the president, the EVP will assume position,” sabi ni Angeles.


Si Baradas ay magsisilbi sa asosasyon hanggang naihalal ng asosasyon ang bago nilang mga opisyal.


Gayunman, lumalabas na may dalawang presidente ang PABA matapos na iniupo naman ng grupo ni Navasero si Marty Ezmendi bilang Officer-In-Charge o interim president.


Inaasahan din ang pagdalo ng binuong POC Ad Hoc Committee na kinabibilangan nina Martin Cojuangco, Atty. Felipe Remollo, Emmanuel Angeles, Marti Ezmendi, Tintin Remollo, Pepe Munoz, Norman Macasaet, Fortunato Dimayuga, Felix Yulo, Chito Gonzales, Jun Veloso, Randy Dizer, Rodolfo “Boy” Tingson, Arsenic Laurel at Leslie Suntay.- Angie Oredo


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Eleksiyon ng PABA, ipoporma na


No comments:

Post a Comment