Hindi lamang boxing ang mawawala sa 2015 Southeast Asian Games kundi pati na rin ang chess na inalis sa kada dalawang taong torneo at maging sa isasagawa sa susunod na taon na Incheon Asian Games.
Kinumpirma mismo ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director GM Jayson Gonzales ang pagkakaalis ng disipliina sa kada apat na taong Asian Games habang iniaapela ng asosasyon kasama ng pitong iba pang bansa ang posibleng pagbabalik sa SEA Games na gaganapin sa Singapore sa 2015.
“We cannot appeal anymore sa Asian Games dahil finalized na ang lahat ng paglalabanang sports. Now, we are trying to lobby for the inclusion of chess in the next SEA Games on 2015 which is in Singapore along with seven other countries,” sabi ni Gonzales.
Idinagdag ni Gonzales na mayroon pang hanggang Pebrero ang Pilipinas, kasama ang Indonesia, Laos, Thailand, Myanmar, Malaysia, Vietnam at Cambodia upang maisama ang chess sa natitirang anim na sports na nais idagdag ng Singapore SEA Games organizing committee sa paglalabanan sa 2015.
“They (Singapore) already had 30 sports confirmed and they are still open for six more sports to be included. We are lobbying for one of that six slots,” sabi ni Gonzales, na masaya sa naging kampanya ng RP Chess Team sa natapos na Myanmar SEA Games sa pag-uwi ng dalawang pilak at dalawang tanso
“We could have won a gold medal in the ASEAN chess category but we lost in the fourth tie-break. We have a strong chance din sa ibang event but we fall short on our preparation. Ang Indonesia nanalo ng limang ginto dahil nagsanay sila on those events sa loob ng anim na buwan. Tayo isang linggo lang,” sabi pa ni Gonzales.
Huling nag-uwi ng pilak na medalya ang Pilipinas sa Guangzhu Asian Games bago na lamang inalis ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IASOC) dahil sa kawalan ng kapasidad at teknikal na kaalaman para isagawa ang mga laban sa chess.
Matatandaan na sinimulang laruin ang chess noong 2003 sa Vietnam bago sinundan ng Manila SEA Games. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment