MARAMING nakarating na sumbong sa Lily’s Files at marami na rin akong nakausap na dayuhan sa mismong opisina ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) at umiiling sila kung papaano sila gaguhin ng mga tiwaling tauhan ng BID. Kung ikukumpara raw sa mga nakaposteng presyo, triple o mahigit pa ang kanilang binabayaran at kadalasan ay walang resibo dahil sa lantarang operasyon ng mga fixer.
Marami na ang nabulgar na kotongan sa BID, nakahinga lang ang mga dayuhan na nagpupunta sa ating bansa noong kapanahunan ni dating BID Commissioner Marcelino Libanan, at bumalik din ang tiwala ng mga dayuhan, lalo na sa usapin ng bayarin sa kanilang kailangan na Visa. Unang nilinis ni Libanan ang loob at labas ng gusali ng BID, sumunod naman ang pag-iimprenta niya ng presyo ng bawat bayarin ng mga dayuhan, depende sa kanilang status ng pagtira sa bansa natin.
Nang mawala na si Komisyoner Libanan, aba, parang putakte sa rami na naman ng mga fixer sa paligid ng BID at mismong sa mga kainan-kapihan sa paligid ay muling binuhay ang iligal nilang gawain.
Pero teka, ano naman itong “profiling” ng BID sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)? Sunod-sunod ang sumbong sa atin ng mga kamag-anak ng mga pasahero na kumpleto na ang dokumento ay hindi pa rin pinasasakay sa eroplano?!? Ilan sa mga pasahero ay nagsabing nagbigay na sila ng dalawampung libong piso (P20K) sa ilang tiwali na tauhan ng BID sa NAIA.
Sa kabila noon, hindi pa rin sila pinasakay dahil duda raw sila na hindi totoong turista ang mga Pinoy na patungo sa Asya o Gitnang Silangan.
Nauunawaan natin ang “pag-iingat” ng BID para hindi maging biktima ng human trafficking ang mga pasaherong Filipino, pero kung ang batayan nila ay “wala sa porma” o hitsura ang bibiyahe, laglag na siya. Ano at papaano ba talaga napatutunayan na “pekeng turista” ang isang kababayan natin palabas ng bansa? Dahil lang ba siya ay pangit? Hindi nakasuot ng amerikana o barong na mamahalin? O kaya naman ay walang mga burloloy na alahas sa katawan?
Ilang kaso noon kasi ang nasubaybayan natin katulad ng isang asawa ng OFW sa Gitnang Silangan na dahil napakaimportante ng trabaho ay hindi makauwi si Mr. OFW. Kaya ang ginawa ng amo niya ay siya na mismo ang nagpadala ng imbitasyon sa misis ni Mr. OFW, kasama ang sulat at tiket. Napakasimple ng ayos ni misis kaya nang dumaan siya sa BID PROFILING, hindi pumasa at hindi pinasakay. Magpa-Pasko rin ‘yun.
Kung tutuusin, may batas pandaigdigan na kalayaan ng pagbiyahe sa anomang bansa ang sinomang mamamayan, pero sa BID natin, pera-pera ang batas ng usapin. Talagang sakit na yata ng sindikato sa BID iyan, naalala n’yo pa ba ang mga kilalang celebrities at personalities na may kaso ngunit malayang nakalalabas ng ating bansa.
Commissioner Siegfred Mison, sir, hindi mo ba sila kayang tagpasin? Nagtatanong lang po!
The post BID PROFILING BA O BAYARIN? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment