MARAMI ang nagtataka kung bakit daw itong si Pangulong Noynoy Aquino ay palaging “bestman” na lang sa kasal.
Kailan naman daw kaya ito magiging groom o magiging groom pa kaya ito?
Sa kasalang Dingdong Dantes at Marian Rivera, bestman si PNoy ni Dingdong Dantes na sa tunay na buhay ay si Jose Sixto Dantes III.
Noong Disyembre 10, 2010, anim na buwan bilang Pangulo, ay naging bestman din ang Pangulo sa kasalang Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Bago maging Pangulo ng bansa ay tumayo si BSA3 bilang sponsor sa October wedding ni dating Senador at ngayon ay DILG Secretary Mar Roxas at ABS-CBN anchor na si Korina Sanchez, na naging girlfriend din ni PNoy noong 1980.
Ngayong darating na February 14, 2015 ay muli na namang magiging bestman ang Pangulo sa kasalang Sen. Francis Escudero at Heart Evangelista na gaganapin sa isang resort sa Quezon Province.
Ginampanan din ng Pangulo ang role bilang “gentleman” sa golden wedding anniversary nina Sen. Miriam Defensor at dating DILG Sec. Jun Santiago at noong January 12 ay imbitado rin siya sa kasal ni dating Valenzuela Councilor Shalani Soledad kay Pasig Rep. Roman Romulo.
Sinasabing ang relasyon daw nina Pangulo at Shalani ang siyang pinakamahaba o matagal sa lahat ng naging karelasyon ng 54-anyos na Chief Executive: mula 2009 hanggang 2010.
Bakit nga ba puro bestman na lang ang Pangulo?
PROVINCIAL BUSES ‘DI MAGTATAS-PASAHE
Wala raw balak na magtaas ng pamasahe ang mga provincial bus sa kabila ng kanilang kinaharap na problema noong nakaraang anim na taon at sa napipintong pagtaas ng singil ng NLEX, SLEX AT Cavitex ngayong 2015.
Ito raw ang napagkasunduan ng mga bus operator na sundin pa rin ang Provisional Authority na ipinalabas noong Mayo 17 ng taong 2008 kung saan ay P9 para sa unang 5 kilometro at karagdagang P1.40 kada kilometro para sa mga ordinary bus samantalang sa air-conditioned bus naman ay P9 para sa unang 5 kilometro at karagdagang P1.80 kada kilometro.
Sinasabing ang mga kumpanya raw ng mga bus ang bumalikat sa tuloy-tuloy na pagtaas ng motor oil at mga spare parts ng mga bus sa loob ng nakalipas na 6-taon.
Ayon kay Mr. Alex Yague, Executive Director ng Provincial Bus Operators of the Philippines, karagdagang gastusin din sa mga provincial bus operator ang pagpapalagay ng Global Positioning System o GPS, speedlimiters at iba pang accessories sa kanilang mga bus para lang mapaganda ang safety ng mga pasahero.
Sinasabing hindi raw akma na magtaas ang PBOA ng pamasahe sa kasalukuyang sitwasyon dahil hindi raw rito makikinabang ang publiko.
Sa halip ay lalo lang itong magiging pasanin ni Juan dela Cruz na kabaligtaran sa ginagawa ng gobyerno. LILY’S FILES/LILY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment