SANA, alisin na ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang mga gabinete na sangkot sa mga katiwalian at korapsyon.
Sana, isama niya ang mga walang ginagawa, walang nagawa at walang kakayanang gumawa.
Sana, magkusa na lang na mag-resign si DOTC Joseph Emilio Abaya, Jr. dahil hindi niya talaga kayang pamunuan ang ahensya. At sana, hatiin sa dalawang ahensya ang DOTC dahil sa sobrang laki ng sakop ng trabaho nito. Simplify.
Sana, kahit isang batas lang na makabuluhan ang maipasa ng Kongreso ng Senado at Kamara.
Sobra na ang kinita ninyo sapul nang maupo kayo. Passing resolution without even looking, reading, analyzing contents in exchange of multi-million pesos!
Sana, magpakulay na lang ng buhok si DSWD Dinky Soliman para hindi siya napagbibintangan na nagpapayaman lang sa ngalan ng mga donasyon. Bakit hindi? Iba’t ibang kulay kada haharap sa media o Malacañang parties, eh, sabi mahal daw ‘yung mga ikinakabit na pakulay sa buhok niya.
Sana ay magkusa na rin si Agriculture Secretary Proceso Alcala. Wala. Patapos na ang kanyang termino kasama ng kanyang big boss sa Malacañang, nganga pa rin ang mga magsasaka. Import bigas pa rin tayo!
Sana ay makakita na tayo ng mga totoong proyekto ni Aquino. Maski ‘yung totoong paggawa sa mga nasirang tulay dahil sa mga bagyo. Sana ay maipaayos din ang mga daungan na winasak ng kalamidad. Sana, maisaayos na ang perokaril na biyaheng San Jose City, Nueva Ecija hanggang Bicolandia! PNR?
Sana, gamitin na ng mga lokal na opisyal ang kanilang mandato na mamuno sa kani-kanilang lalawigan, lungsod, bayan at barangay. Itama na ang matagal na mali. Sana ay itigil na nila ‘yung kanilang pangangalaga, pagkunsinti at pinagkakakitaan sa mga abusadong propesyunal na iskwater dahil sa boto!
Sana ay matuto na ang mamamayan ng DISIPLINA sa loob at labas ng kanilang indibidwal na utak at katawan. Wala tayong karapatang manawagan sa mga opisyal ng tama na serbisyo kung tayo mismo ay DUGYOT sa ating lipunan!
Sana, kung hindi pa rin magsitino ang mga politiko at mga opisyal ng pamahalaan, kasama ang mga kasabwat nila na mga magpagsamantalang negosyante, matuto ng magpasya ang taumbayan.
Sana ay mabuo ang pagkakaisa na walang ibang nais kundi ang pagtutuwid at pagbabago ng buong bulok na sistema na pinatatakbo ng kasalukuyang bulok na rehimen katulad ng ibang nagdaan pa.
Sana, alisin ang anomang takot sa pagkamit ng pagbabago.
Ang takot ay nasa isip lamang! BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment