MAGLALATAG na rin ngayon ng police checkpoints sa Lungsod ng Quezon kahit sa umaga.
Sinabi ni QC Mayor Herbert Bautista na hindi lang sa gabi dapat ikasa ang checkpoint dahil pwede rin na mangyari ang krimen kahit sa araw o dapit-hapon.
Inihalimbawa ni Bautista ang nangyaring holdapan sa isang furniture shop sa Katipunan Ave. kahapon (Enero 28) na ang suspek ay ang bumiktima rin sa isang SPA sa Tomas Morato Ave. at isang teahouse naman sa Fairview may ilang araw pa lamang ang nakalilipas.
Ang mas masakit pa aniya, sa naganap na holdapan sa naturang furniture shop, ginahasa pa ng suspek ang isa sa tatlong empleyada nito.
“Ito na ang dapat gawin para matigil na ang mga fly by day criminals. Parang hindi na sila takot gumawa ng kasamaan kaya dapat iparamdam naman natin na hindi tayo padadaig sa kanilang kawalanghiyaan,” gigil na pahayag ni Bautista.
Sa ngayon, tukoy na aniya ng QCPD ang nasa likod ng serye ng panghoholdap sa lungsod dahil iisa lang ang lumabas na suspek na inilarawan na 30-35-anyos, nakasalamin, singkit, naka-jacket at lulan ng motorsiklo.
Pero nitong huling lakad ng suspek ay may kasama na itong isa pang lalaki.
“Matitiyempuhan din ‘yan, tiyaga lang at debosyon sa trabaho at tiyak ko na sa huling banda ay malalaglag din sa police operation,” pagtatapos ni Bautista. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment