Monday, November 10, 2014

WANTED TIMOTHY DESMOND, REWARD – P200,000

PAANO na kaya ang mga walang pera na naghahangad ng hustisya? Ito Ang Totoo: dahil sa pera, kayang paikut-ikutin ng may pera ang mga kasong isinampa laban sa kanila.


Halimbawa nito ay ang mga kaso laban kay Timothy J. Desmond ng Ocean Adventure na inireklamo ng umano’y panggagantso sa negosyanteng si Virginia delos Santos – Dio.


Noong 2004 pa isinampa ang dalawang kasong estafa laban kay Desmond pero dahil sa mga maniobra para hindi ito umusad, umabot sa Korte Suprema ang usapin kung papayagan o hindi ang korte sa Olongapo City na ituloy ang pagdinig sa mga kaso.


Mahigit $2M o may P100 M ang hinahabol ni Dio na aniya’y pera niyang nilustay ni Desmond sa pansariling kapakanan sa halip na naging sosyo niya sa negosyo sa Ocean Adventure.


Nito lang gitna ng 2014 o makalipas ang 10 taon, nagdesisyon ang Korte Suprema na may batayan ang “Syndicated Estafa” at simpleng “Estafa” na mga kaso laban kay Desmond kaya naman ipinaaaresto na siya ni Judge Richard A. Paradeza ng Olongapo RTC 72 sa pamamagitan ng “warrants of arrest.”


Walang piyansang itinakda si Judge Paradeza sa “Syndicated Estafa,” ibig-sabihin, kahit maglagak man si Despond ng P80,000 para sa simpleng “Estafa,” ikukulong pa rin siya habang dinirinig ang mga kaso na kung kailan matatapos ay diyos lang ang nakaaalam.


Kaya ngayon, nagtatago sa batas si Desmond, “wanted person” na may patong sa ulong P200K para sa makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa kanyang pagkadakip.


May mga natatanggap tayong “feedback” na natutuwa sa desisyon ng Korte Suprema dahil sila mismo umano ay may hindi magandang karanasan sa pakikipagtransaksyon kay Desmond.


Maging sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ay may problema si Desmond.


Ito Ang Totoo: ano naman ang laban ng maliliit na tao sa pakikipagkaso sa mga tulad ni Desmond na gumagastos ng perang ewan kung saan galing para harangin, kung hindi patagalin, ang mga reklamo laban sa kanila?


Ito’y isang bagay na dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ng bayan, hindi po ba, SC Chief Justice Maria Lourdes P.A. Sereno?


Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.


.. Continue: Remate.ph (source)



WANTED TIMOTHY DESMOND, REWARD – P200,000


No comments:

Post a Comment