Monday, November 3, 2014

PROSECUTION MAY PROBLEMA

ISANG impormante ang nagbulong sa akin na nagkakagulo ngayon ang kampo ng mga taga-usig sa pangunguna ng mga taga-Office of the Ombudsman na humahawak sa kasong plunder ni Sen. Ramon “Bong” Revilla kaugnay ng pork barrel scam na kinasasangkutan din ni Janet Lim-Napoles.


Lumalabas kasi na sumablay ang testigo ng prosekusyon na si Atty. Leigh Von Santos, ang bank investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na patunayang may transaksyon sa pagitan nina Revilla at Napoles sa ginawang cross-examination sa kanya ng depensa kaugnay ng bail petition ng senador.


Sa hearing kasi noong Oktobre 23 ay inamin ni Santos na nang siyasatin nila ang mga perang nakadeposito sa pangalan ni Bong ay wala silang nakitang record na direktang magpapatunay na nagsalin ng pera sa account niya at nakipagtransaksyon siya kay Napoles.


Sa pagtatanong ni Atty. Michael Ancheta, sumablay din si Santos nang sabihin niya na inusisa rin nila ang cash transactions ng co-accused ni Bong na si Atty. Richard Cambe, subalit wala rin siyang maipakitang bank records na magsasabing may transaksyon ito kay Napoles.


Sinabi ni Revilla sa isang panayam pagkatapos ng hearing na lumabas ang totoo dahil inamin ni Santos na walang ebidensya na magpapatunay na nagbigay si Napoles ng kickback sa kanya.


Idiniin pa niya na malaki ang paniniwala niya na sa huli ay lalabas ang katotohanan na ang anomang perang kinita niya ay galing sa mabuting paraan at sa trabaho niya na isang sikat na artista sa pelikula.


Pero ang nakakapagtaka ay ang biglaang pasya ng Ombudsman na maghain ng writ of preliminary attachment para sa mga ari-arian ni Bong sa kabila ng sablay na testimonya ni Santos.


Kakaiba ito sapagkat ni hindi pa nga nagpapasya ang Sandiganbayan sa bail petition at maging sa kaso ni Bong, pero gusto na agad ng Ombudsman na ipa-garnish ang kanyang ari-arian na pinaghirapan niya sa napakatagal na panahon.


Pero dahil kitang-kita nga na mahina ang kaso ng Ombudsman, maraming legal analyst ang nagsasabi na malaki ang posibilidad na sa halip na garnishment ay baka pagbigyan pa ng Sandiganbayan ang hiling ng senador na makapaglagak ng piyensa.


Kaya naman problemado ang prosekusyon dahil ‘pag nangyari iyon ay baka makalaya na si Bong bago ang Kapaskuhan. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO


.. Continue: Remate.ph (source)



PROSECUTION MAY PROBLEMA


No comments:

Post a Comment