INIHAYAG ng Rector ng Pontifical Filipino College (Pontificio Collegio Filipino) sa Roma na puspusan na ang paghahanda ng Vatican para sa nalalapit na pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero 2015.
Ayon kay Fr. Greg Gaston, Rector ng Pontifical Filipino College sa Roma, sa simula pa lamang ng pagdalaw ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, palagian itong nakikipagpulong sa kanyang mga collaborator sa Vatican.
Tunay aniyang pinaghahandaan ni Pope Francis ang nalalapit niyang pagdalaw sa Pilipinas sa Enero 15 – 19 ,2015 dahil sa mga pagpupulong na ginagawa sa Vatican.
“Sa simula ng kanyang pagdating dito, nag-meeting na sila, si Carinal Tagle naghahanda na talaga… sa Manila pati na dito sa Roma, nakikipagpulong siya sa mga kasamahan ng Pope, kanyang collaborator, naghahanda na ‘yung mga nakatoka… Kasi talagang pinaghahandaan din ni Pope ito mula ng i-anunsyo niya na pupunta siya sa Pilipinas, tuloy-tuloy silang nag-usuap ni Cardinal Tagle,” pahayag ni Fr. Gaston sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, hinikayat ng pari ang lahat na patuloy na manalangin para sa gagawing pagdalaw ng Santo Papa sa Pilipinas – 80-araw mula ngayon.
Kinumpirma rin ni Father Gaston na ang paghahanda sa pagdalaw ni Pope Francis ang isa rin sa dahilan ng pagpunta ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Roma, bukod pa sa pagdalo nito sa Synod of Bishops on the Family.
Ang pagkakaisa ng mga Pilipino ay isa lamang aniya sa hangarin ng Santo Papa bagama’t hindi nito madadalaw ang lahat ng lugar sa bansa.
“Gusto niya makaisa ang Filipino people as a whole, very simple na mapuntahan ang Tacloban ang hard-hit, makita ang kanyang pakikiisa, tuwang-tuwa at proud na proud tayo at dadalawin tayo ng Santo Papa,” ayon pa kay Fr. Gaston. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment