Monday, November 3, 2014

EBOLA NAKAAMBA NA SA PINAS

ANOMANG araw mula ngayon, darating na ang Philippine contingent na bahagi ng United Nations peacekeeping force sa Liberia.


Mahigit 100 katao ang grupong ito ng mga sundalo at pulis at sa kanilang pag-uwi, tiyak namang kung saan-saang bahagi ng Pilipinas sila uuwi.


Ang grupong ito ang posibleng pagmulan ng sakit na ebola na mabilis na pumatay ng nasa 5,000 katao sa nakalipas na pitong buwan sa mga bansang Liberia, Sierra Leone, Guinea at Nigeria.


MGA OFW PINAUUWI RIN


Bukod sa Philippine contingent, pinalilikas na rin ng ating gobyerno ang libo-libong overseas Filipino worker sa nasabing mga bansa upang maiwasan ng mga ito na mahawa sa sakit.


Tinatayang may 4,000 OFW sa Liberia, Sierra Leone at Guinea. Idineklara na ng World Health Organization na ebola-free ang Nigeria subalit maaari ring umuwi ang mga OFW rito na may bilang na 7,000.


SAPILITANG QUARANTINE


Sa kanilang pag-uwi, saanman sila lalapag sa ating mga paliparan o magla-landing na daungan, may kautusan ang pamahalaan na daraan sila sa mga pagsusuri sa pamamagitan ng quarantine.


Sinasabing sa Ninoy Aquino International Airport lamang, may 100 na tent na nakahanda para sa quarantine. Ang Diosdado Macapagal Airport ay nakahanda na rin umano.


Wala naman tayong balita sa mga daungan ng mga barko o anomang sasakyang pandagat ukol sa pag-quarantine sa mga pasahero ng mga ito.


21 ARAW NA QUARANTINE


Pinakamaganda kung sila’y pigilin sa loob ng 21 araw bago sila pakawalan at payagang umuwi sa kani-kanilang mga pamilya sa kung saan-saang barangay sa mahal kong Pinas.


Ang 21 araw, mga Bro, ay ang buong panahon na paghinog ng virus ng ebola sa katawan ng tao at sa panahong ito makikita kung nahawa ang isang tao o hindi.


Ngunit hindi natatapos ang obligasyon ng pamahalaan dito. Makaraang mapauwi ang mga kababayan nating ito sa kani-kanilang mga pamilya at barangay, susundan pa rin sila ng mga kinauukulan at alamin ang kanilang mga kalagayan.


Dito na dapat maging tapat ang mga kababayan nating apektado ng mga patakaran, at dapat na mabigyan din ng impormasyon at tips sa pagkilos ang mga miyembro ng pamilya, kapitbahay at kabarangay kung ano-ano ang kanilang mga gagawin…kung saka-sakaling may mangyari.


MATIGAS ANG ULO HUWAG TULARAN


May isang Amerikanang nurse, si Kaci Hickox, na galing sa Liberia at kasa-kasama ng Doctors Without Borders na nanggagamot sa tatlong nasabing bansa.


Idineklara naman siyang ebola-free sa kanyang pagdating subalit inutusan siyang mag-self quarantine o sa bahay lang muna nila at huwag labas nang labas sa bahay.


Dito siya umangal at ngayo’y labas siya nang labas sa kanilang tahanan. Lalo’t pinayagan siya ng kanilang hukuman na lumabas nang bahay at pumunta kahit saan.


Binabantayan ngayon ito ng mga awtoridad lalo’t hindi pa lumilipas ang 21 araw na pag-oobserba kung nahawa siya o hindi.


Hindi dapat na tularan ang mga ganito at dapat na isaalang-alang ang kapakanan ng iba.


Totoo na gusto nating malaya sa ating mga pagkilos subalit obligasyon naman nating tiyakin ang kapakanan ng iba at hindi lang ang ating mga sarili.


DAPAT SUMUNOD


Kung tutuusin, hindi maganda ang pagsuway sa patakaran sa quarantine lalo na kung iisipin na walang nakatitiyak sa pag-atake ng sakit.


Sa mga araw na magku-quarantine ang mga kinauukulan sa mga dumarating na Pinoy at dayuhan sa ating mga paliparan at daungan, dapat na sumunod sa patakaran ang mga ito.


Sakaling magkaroon ng mga paglabag dito, dapat na maging aktibo ang mga mamamayan sa pagsubaybay sa mga ito.


Ito ang ginagawa sa Nigeria kaya nasusubaybayan nila ang lahat ng mga pumapasok na dayuhan sa kanila o ng mga kababayan nilang galing sa mga bansang may ebola.


Kahit papaano, hindi nasundan ang walong patay sa ebola sa kanilang bansa dahil sa sipag ng mga awtoridad na sumubaybay sa mga posibleng may dala-dalang sakit.


Mahigpit ding nakikipagtulungan ang kanilang mga mamamayan sa pagtitiyak na ang mga may sakit ay makilala at alam kung saan nakatira ang mga ito.


Sa ibang salita, mga Bro, bantay-sarado ng mga mamamayan ang mga nababalitaang may ebola at mabilis silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad kung may mga nangyayari na hindi maganda.


ALMAR TUNGPALAN


Uulitin nating ikwento, mga Bro, ang nangyaring hindi maganda kay Almar Tungpalan, ang namatay sa sakit sa atay na seaman galing sa Nigeria.


Tinanggihan siya ng dalawa-tatlong ospital dahil sa paniniwalang may ebola siya.


Mabuti na lang at tinanggap siya ng Quirino Provincial Hospital, inilagay siya sa isolation room at sinuri.


Makaraan ang anim na araw na pagsusuri, napatunayan nilang sakit sa atay at hindi ebola ang kanyang sakit na nagkaroon ng ilang sintomas para sa ebola.


NAMATAY, ‘ALANG NAKIPAGLAMAY


Napakasakit na nga sa damdamin ang pagtanggi sa kanya ng mga doktor, nars at ospital, wala pang nakipaglamay sa kanyang pamilya sa paniniwala ng kanilang mga kaibigan, kapitbahay at kamag-anak na may ebola siya.


Sasapitin nating lahat ito hanggang sa magkandahetot-heto ang buhay nating lahat kung mapasok tayo ng ebola.


Kaya tayong lahat ay dapat na sumunod sa mga patakaran at mahigpit na magtulungan, lalo na kung napasok na tayo ng sakit na ito.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



EBOLA NAKAAMBA NA SA PINAS


No comments:

Post a Comment