MAKARAANG magpreno nang konti ang sakit na ebola sa bansang Liberia, niyayari naman nang todo ng sakit ang katabing bansa nitong Sierra Leone habang wala ring tigil ang sakit sa pananalasa sa kalapit pa nilang bansa na Guinea.
Dahil sa paglubha ng kalagayan sa Sierra Leone, pati mediamen ay niyayari na rin.
Naganap ito makaraan ang isang interbyu sa radyo ng isang politiko na kalaban ng Pangulo ng nasabing bansa ukol sa mali umanong paghawak nito sa ebola.
DAVID TAM BARYOH
Habang tinitipa natin ito, mga Bro, nakakulong pa sa maximum prison ang mediaman na si David Tam Baryoh.
Sa kautusan ni Sierra Leone President Ernest Koroma, pinatayan si Baryoh ng programa saka pinahuli at pinakulong sa kulungang istayl Pilipins.
Pademba Road ang tawag sa kulungan na para lang sana sa 324 ngunit sinasardinas doon ang 1,200 preso.
Dahil sa siksikan, marumi at kulang na kulang sa pagkain ang mga preso, nagkakamatay ang mga ito sa gutom, dumi sa paligid, malaria at atake sa puso.
May high blood si Baryoh at hiniling na ng mga doktor na ilabas at ipagamot siya pero wala tayong alam kung pinagbigyan ni Koroma ang kahilingan.
PALPAK NA, MAY 3RD TERM PA
Nagalit si Koroma nang paratangan ng spokesman ng kalaban nito sa politika na palpak ang paghawak nito sa ebola.
Patuloy na dumarami ang patay sa ebola sa Sierra Leone at malapit nang umabot sa 2,000 ang mga ito.
Sabi pa ng oposisyon, palpak na nga si Koroma, balak pa nitong kumapit-tuko sa puwesto sa pagbabalak na magkaroon ng ikatlong termino.
Dito lalong nagalit si bosing at pinakulong kaagad si Baryoh.
Ang rason ni Koroma, may inilabas na siyang kautusan para sa state of emergency na inaprubhan ng kanilang parliamento at kalakip nito ang pagbabawal sa ilang kalayaan ng mga mamamayan, kasama na ang kalayaan sa pamamahayag.
MANGYAYARI SA PINAS
Tanong natin ngayon, mga Bro, mangyayari rin kaya ito sa mahal kong Pinas?
Sa ngayon kasi, darating bukas ang mahigit sa 100 na sundalong peacekeeper mula sa Liberia.
Kumikilos na rin ang gobyerno natin para pauwiin ang may 4,000 overseas Filipino worker na nasa nasabing tatlong bansa at mahigit sa 800 nagpalista.
Sa ibang salita, mga Bro, maaaring mapasok tayo ng ebola.
Kahit pa sabihing daraan ang lahat ng ito sa pagsusuri bago sila payagang umalis doon at umuwi sa Pinas, gaya ng ginawa sa ating mga peacekeeper.
Kapag napasok tayo ng ebola at kakalat kung saan-saan, maaaring magdeklara rin si PNoy ng state of emergency.
Kung papalpak si PNoy sa ebola, tiyak na may magdadadakdak at pupunta ito sa media para tirahin si PNoy.
At isasama na sa kanyang reklamo ang pagkapit-tuko ni PNoy sa ngalan ng ebola at pagpapatuloy ng Tuwid na Daan.
Hindi kaya ipakulong din ang mediamen gaya ng ginawa ni Koroma kay Baryoh?
KALAYAAN LABAN SA EBOLA
Sana naman hindi mangyari ang ginawa ni Koroma kay Baryoh sa ating bansa sakaling mapasok tayo ng ebola.
Sa halip, tingnan ng pamahalaan ang media na katulong laban sa sakit.
Ang media ang magbabantay sa kapalpakan ng pamahalaan at tutulong din sa mga paraan para labanan ang sakit.
Mabilis kumilos ang media sa anomang gawain nito at nakaaabot sa kahit saan sa bansa…kahit sa mga liblib na lugar na maaaring mapasok ng ebola…at hindi mabilis na pasukin ng mga taong pamahalaan.
Mabilis itong makapagbigay ng mga impormasyon at babala na makatutulong sa mga kinauukulan kung paano kumilos na mabilis at epektibo laban sa sakit.
Kung ikukulong ang mga mediaman na gustong tumulong at pararatangan sila na nananabotahe sa gobyerno kasabwat ang mga kritiko rito, ewan na lang kung ano ang mangyayari sa mahal kong Pinas.
YOLANDA TRAGEDY
Nakapunta tayo sa sentro ng kalamidad na likha ni Yolanda nang dalawang beses.
Hindi natin mapigilan, mga Bro, ang pagkadurog ng ating dibdib sa ating mga nasaksihan.
Sino ang hindi malulungkot sa libo-libong kamatayan, sa milyon-milyon at matagalang kagutuman at paghihirap?
Sino ang hindi malulungkot sa labis na kapabayaan at kabagalan ng pamahalana na lingapin ang mga biktima?
At sino ang hindi malulungkot sa milyong saka lang makababangon makaraan ng pito-walong taon, gaya ng mga magniniyog?
Personal tayong saksi sa mga iton at iniisip nga natin… paano kung tayo na mismo ang sinalanta ni Yolanda?
Walang duda, kung tayo mismo ang biktima…malaking katanugan kung paano tayo magpapatuloy sa buhay.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa Remate – REMATE – Ang Diaryo ng Masa o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment