ILANG araw na lang at Pasko na naman at habang papalapit ang araw na ito ay dumarami naman ang insidente ng holdapan at snatching sa Metro Manila, lalo na sa mga matataong lugar.
Nakapagtataka lang na parang walang takot ang mga kriminal na gumawa ng krimen gayong visible naman ang mga naka-unipormeng pulis sa ating mga lansangan.
Hindi kaya mga bata o alalay rin ng mga pulis ang gumagawa nito at ang mga naka- unipormeng law enforcer sa paligid ay mga protektor nila?
Nagtatanong lamang po, PNP chief, Director General Alan Purisima.
Ang Divisoria, Quiapo, Monumento, Baclaran, Novaliches at Cubao ay ilan lang sa mga lugar na rampant ang holdapan at snatching gayong nagkalat sa mga lugar na ito ang mga naka-unipormeng kagawad ng PNP.
Kapag nahuhuli naman ng ibang pulis ang mga kriminal na ito, iisa lang ang kanilang katwiran …na kesyo wala silang pambili ng bigas, walang pambili ng gatas ang anak nila o kaya naman ay may sakit ang magulang, asawa at anak.
Dahil sanay nang magdrama ang mga kriminal na ito, bibigay naman si sir at bago palabasin ay hihingian muna ng pangkape.
Pagkalabas ng presinto, may darating na namang magpapa-blotter na kesyo na-hold up, nadukutan, naagawan ng cellphone at natural na agad na namang reresponde ang mga pulis.
Kamukat-mukat mo, ‘yung pinalabas nila ilang minuto pa lang ang nakalilipas ay ‘yun din ang suspek.
Minsan ay tayo rin ang dapat sisihin kung bakit nabibiktima tayo ng mga ganitong krimen.
Alam mong pupunta ka sa siksikan ang tao, bakit kailangang magsuot ka ng magagandang alahas, i-display ang magandang cellphone at bakit pinababayaang nakatiwangwang ang dalang bag o kaya ay wallet?
Sana po, tayo na rin ang mag-ingat sa ating mga dala-dalahan at kung alam nating masyadong siksikan na ang tao ay huwag na tayong magpumilit na makisiksik dahil dito sinasamantala ng mga kriminal ang sitwasyon.
Ilang beses nang may nag-report sa Lily’s Files na naagawan ng cellphone, bag at wallet sa harapan pa ng naka-unipormeng pulis sa Divisoria, pero wala ring nangyari dahil si mamang pulis ay busy raw sa pagsu-supervise ng trapik.
Kaya mga kabayan, huwag na po tayong umasa na dahil may naka-unipormeng pulis, eh, hahabulin nito ang nang-agaw ng iyong bag, wallet at cp.
Nganga ka na lang at maghintay ng wala.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09184177565. LILY’S FILES/LILY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment