Monday, November 10, 2014

P200K pabuya, inilaan sa pagkakahuli sa mga rapist sa Makati

MAGBIBIGAY ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng P200,000 cash na pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon laban sa grupo ng mga kalalakihan na sangkot sa pagdukot at panghahalay sa kanilang nabibiktima sa lungsod ng Makati kung saan isa sa mga suspek ay may cartographic sketch na sa Makati City Police.


Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nag-alok umano sila ng pabuya upang madakip na ang mga suspek kung saan inihayag pa nito na maglalagay pa sila ng dagdag na CCTV cameras sa bisinidad ng Magallanes Interchange upang dagdagan pa ang kasalukuyang monitoring system dito.


Hihilingin din ni Tolentino sa pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magtalaga pa ng dagdag na tauhan upang masugpo ang naturang krimen.


Batay sa record, ang pinakahuling biktima umano ay ang isang 21-anyos na estudyante na dinukot at ginahasa ng apat na lalaki sakay ng isang van sa may Magallanes Interchange.


Ayon sa biktima na itinago sa pangalang “Rica Joy”, noong Setyembre 30 ng alas-6:30 ng gabi, pauwi na siya galing eskwelahan habang naglalakad sa may EDSA-Magallanes Interchange, Makati City nang mapansin niyang may van na mabagal ang takbo at nakasunod sa kanya.


Nang tumapat umano sa kanya ang van na for registration pa ang plaka ay hinablot na lamang ang kanyang dalang bag at saka siya hinatak papasok ng loob ng van ng tatlong lalaking pawang naka-bonnet.


Sa loob ng van ay halinhinan umano siyang ginahasa ng mga suspek na sa kanyang deskripsyon ay malalaki ang katawan at nasa 20 – 23-anyos ang mga edad at matapos ang insidente ay iniwan na lamang siya sa Malolos, Bulacan.


Samantala, noong nakaraang linggo ay isa namang 14-anyos na estudyante ang dinukot at minolestiya at sa kabutihang-palad ay nakatakas mula sa kamay ng suspek.


Ayon sa Makati City Police, may cartographic sketch na sila ng suspek sa pagdukot sa 14-anyos na dalagita, subalit sa 21-anyos ay wala pa silang suspek dahil hindi na nga bumalik ang biktima at hindi na rin sa kanila nakikipag-ugnayan para sa kaso.


Nilinaw din ng Makati City Police Women’s and Children Protection Desk na walang katotohanan aniyang may isang 19-anyos na transgender na dinukot at ginahasa umano ng grupo ng kalalakihan sa Magallanes Interchange ng naturang lungsod dahil wala umanong nakarating sa kanilang tanggapan hinggil sa naturang insidente. JAY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



P200K pabuya, inilaan sa pagkakahuli sa mga rapist sa Makati


No comments:

Post a Comment