NAIHATID na sa huling hantungan niya si SPO1 Ronaldo Flores ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit na pinaslang sa C.M. Recto, Legarda noong Novembre 13 subalit hindi pa rin nabibigyang katarungan ang kanyang kamatayan.
Dati-rati, kapag pinatay ang isang miyembro ng Manila’s Finest, hindi tumitigill ang mga kasamahan ng pinaslang hangga’t hindi siya naipaghihiganti o nabibigyang katarungan.
Sa totoo lang, mali ang ganitong paninindigan o panuntunan.
Kaya nga siguro hindi kumikilos ang MPD-TEU upang malutas ang kaso ni Flores.
Kaya nga hanggang ngayon, dalawang linggo na ay wala pa rin silang nakukuhang impormasyon ukol sa kamatayan ng kanilang namatay na kasamahan.
Kampante na sila na nailibing na si Flores na sa totoo lang ay dangal ng traffic sapagkat hindi ito katulad ng ilan niyang kasamahan na kilalang-kilala sa pangongotong. Maayos magtrabaho itong si Flores sapagkat takot itong maasunto.
Pero ang ikinasawi niya ay asunto.
Asunto ng isang pulis na kapangalan niya at nakatalaga sa MPD Station 3 – si PO1 Ronaldo Flores, Jr.
Sa madaling salita, si SPO1 Flores ay biktima ng mistaken identity.
Sapagkat ang Flores na nakatalaga sa Station 3 ay maraming asuntong hawak kaugnay sa drugs.
Aminin man o hindi ng rookie cop na ito, hindi ordinaryong buhay ang kanyang tinatahak. Mas magandang hamunin ito ng lifestyle check.
Pero nasaan na nga ba ang kapangalang ito ng pinaslang na pulis?
Hindi man lang makipagtulungan sa mga kapwa niya pulis na nag-iimbestiga upang malutas ang kaso ng pagpatay kay Flores na siyang sumalo ng bala para sa nakababatang pulis.
Umurong ang bayag?
Baka nga naman siya na ang isunod. Kaya nga PO1 Flores, makipagtulungan ka sa mga kabaro mo na malutas ang kaso upang makahinga ka rin ng maluwag dahil hindi ka naman nakasisiguro na sa pagsalo ni SPO1 Flores ng bala para sa iyo ay tapos na ang usapin.
Ayon sa ilang kasamahang pulis nito na nakakikilala sa kanya base na rin sa kanyang kilos, malalim masyado ang bagitong pulis na ito.
Malalim magtrabaho. Kung ganoon, bakit hindi siya tumulong sa paglutas ng kaso ng pagpatay sa katukayo mo?
Pero pasalamat ka na rin sa mga pulis ng MPD-Homicide na patuloy na nagtatrabaho upang malutas ang kaso.
Malapit na nilang matumbok ang puno’t dulo ng pagpatay kay SPO1 Flores.
Matatahimik na rin ang kaluluwa ng nasawi sapagkat matutukoy na ang totoong motibo sa pagpaslang.
Siya nga pala PO1 Flores, maganda ‘yung ladies bag na binili mo sa Lacoste. Tiyak na mahal na mahal mo ang pagbibigyan mo ng mamahaling bag na iyon. PAKUROT/LEA BOTONES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment