Saturday, January 3, 2015

MRT/LRT fare hike, aalamin sa Kamara

AALAMIN na sa Kamara ang kumalat na impormasyon kaugnay sa ikinakasang fare increase sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).


Ayon kay House transportation committee chairman at Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, nais nilang mas maagang imbestigasyon sa naturang isyu bago pa man ang implementasyon ngunit natapat ito sa panahon ng holiday break kaya hindi agad naidaos ang anomang congressional inquiry.


Para kay Sarmiento, maselang usapin ito dahil maraming mananakay ang tatamaan ng anomang fare increase sa pinaka-abalang railway system sa bansa.


Una rito, sinimulan na ngayong araw ang bagong rate, mula sa dating P15 ay magiging P28 na ang bayad para sa end-to-end trip sa MRT 3 (North Avenue-Taft Avenue, vice versa); mula sa P20 ay P30 na sa LRT-1 (Baclaran-Roosevelt, vice versa); at mula sa P15 ay P25 na sa LRT-2 (Recto-Santolan, vice versa).


Para naman kay Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares, pahirap sa mga karaniwang tao ang dagdag-singil.


Nagtataka rin umano sila sa pagpupumilit ng DOTC na ipatupad ito sa kabila ng ibinigay na bilyon-bilyong pondo ng gobyerno para sa pagsasaayos ng MRT at LRT.


Bukas inaasahang maghahain ang grupo ni Colmenares ng petisyon sa Korte Suprema laban sa ipinatupad na fare increase.


Habang ilang grupo ng commuters ang naghayag na ng planong kilos-protesta para salungatin ang fare adjustment sa MRT at LRT.


Nagbabala ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Department of Transportation and Communication (DOTC) na ang mga pangkaraniwang mga manggagawa ang labis na maaapektuhan kapag itinuloy ng pamahalaan ang planong pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT.


Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP, ang mga manggagawang may arawang sumusuweldo na P466 sa Metro Manila ang labis na maaapektuhan ng planong pagtataas na ito ng pasahe sa MRT at LRT na ang natitira lamang suweldo ay P362 dahil sa mga deduction at kapag natuloy pa ang pagtataas ng pasahe sa tiyak na ang maiiwing sahod ng mga manggagawa ay P322 na lamang. JOHNNY ARASGA


.. Continue: Remate.ph (source)



MRT/LRT fare hike, aalamin sa Kamara


No comments:

Post a Comment