BUBUSISIIN na naman ngayong araw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang mga alegasyon laban kay Vice-President Jejomar Binay.
Mula sa akusasyon ng anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building II, naghain ng panibagong resolusyon si Senator Antonio Trillanes IV noong Enero 19 na tututok sa iregularidad umano sa Home Development Mutual Fund (HDMF)/Pag-IBIG Fund at Boy Scouts of the Philippines (BSP) sa ilalim ng pamumuno ni Binay.
Noong nakaraang Huwebes, naungkat sa pagdinig ang halos P189-milyong kickback umano ni Binay sa joint venture ng Alphaland at Boy Scout.
Inaasahan ngayong araw na muling dadalo sa pagdinig si Pag-IBIG Fund President-CEO Atty. Darlene Marie Berberabe, na lumutang din sa nakaraang pagdinig para naman katawanin ang ahensya.
Una nang itinanggi ni Berberabe na ginamit ni Vice President Jejomar Binay ang kapangyarihan nito para mapasok sa ahensya ang isang security firm na konektado umano sa pangalawang Pangulo.
Miyerkules naman nang ideklara ng Senate Committee on Rules na valid ang contempt at arrest order kay Mayor Junjun Binay at limang iba pa ng Senate Blue Ribbon committee.
Inaasahang kasabay ng ipalalabas na arrest order ang isasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ngayong alas-9:00 ng umaga.
Dahil dito, posibleng bago mag-umpisa ito ay nasa Senado na ang grupo nina Binay.
Sa panig ni Mayor Binay, sasalubungin niya ang arrest order at handa siyang magpakulong. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment