GOODBYE 2014, Hello 2015! Isang taon na naman ang matuling lumipas at nagdaan.
Ngiti, luha, saya at pighati. ‘Yan ay ilan lang sa mga bagay na maaaring naranasan natin noong nakaraang taon, subalit sa pagbubukas at pagsalubong natin sa bagong taon ay natitiyak kong marami ang nabigyan ng pag-asa at bagong simula.
Gaya ng nangyari sa buhay ng Filipinang si Elizabeth Yu, na minsang nakaranas mabigo subalit sa muling bumangon at nabigyan ng ikalawang pagkakataon para sa kaligayahan.
Nagmula sa isang mahirap na pamilya si Elizabeth. Sa murang gulang ay naranasan niyang magbanat ng buto para lang matustusan ang kanyang pag-aaral at kahit papaano’y makatulong sa kanyang mga magulang.
Halos limang taon din siyang namasukan sa isang insurance company at naranasan din niyang pasukin ang pagba-buy and sell ng mga damit upang ‘ika nga kahit paano’y maka-survive sa pang-araw araw na gastusin.
Isang hindi inaasahang pag-ibig ang natagpuan niya nang makilala niya ang isang Thai, na noon ay nag-aaral ng medisina sa isang unibersidad sa Cebu, na siya niyang naging unang asawa.
Nang magbunga ang pagmamahalan nilang mag-asawa ay nagdesisyon siyang iwan ang Pilipinas at sumama na sa Thailand upang doon na manirahan.
Bagama’t bahagyang nakaranas ng pagsubok sa mga unang taon ng paninirahan niya sa Thailand ay naging masaya ang buhay may asawa niya. Unti-unting bumuo ng sariling pamilya si Elizabeth at ang asawang Thai. Nabiyayaan sila ng tatlong supling, ngunit isang malungkot na pangyayari ang kinailangan niyang harapin. Nagkasakit ng malubha ang asawa niya na naging dahilan para maaga siyang mabiyuda.
Dahil sa pangyayaring iyon, napaatang sa balikat niya ang tungkulin at responsibilidad ng ina at ama, pero sa kabila ng labis kalungkutan na kanyang nadarama ay naging matapang siya. Maraming trabaho ang pinasok niya para kumita para buhayin ang kanyang mga anak.
“Nung mamatay siya, marami akong naging trabaho, nagtinda ako ng mga Philippine product, maliliit pa ‘yung mga bata. It’s very difficult to do that so I tried to apply as secretary on an institute, dinala ko ‘yung mga anak ko while working. Kailangan ko talagang kumita, Saturday and Sunday, I teach English and piano, kayod talaga,” pagbabahagi niya.
Hindi sukat akalain ni Elizabeth na sa kasintahan ng isa niyang estudyanteng babae niya matatagpuan ang ikalawang pag-ibig niya.
“Nakilala ko s’ya after his girlfriend runaway, I never took it seriously. Biyuda ako, with three children, so ano kaya gusto niya sa akin, eh, bachelor siya?” salaysay pa niya.
Aniya ay biruan lamang ang naging simula nila kaya hindi niya naisip na mauuwi ito sa katotohanan nang alukin siya nito ng kasal na agad naman niyang tinanggap. Nagpakasal sila sa isang Catholic Church sa Thailand at muli ay nabigyan siya ng pagkakataong magsimula kasama ang natagpuang pag-ibig.
Pinalad sa pag-ibig si Elizabeth sapagkat naging mapagkalinga at mapagmahal hindi lamang sa kanya, kundi pati na rin sa kanyang mga anak ang napangasawa niya.
Kasabay ng tagumpay sa pamilya ay unti-unti ring lumago ang kabuhayan niya. Naging big-time negosyante siya.
Bukod sa isang manpower company ay nakapagtayo pa siya ng isang professional development and language school.
Ang bawat bagong taon ay tila isang bagong umaga na nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa isang bagong simula ng ating pakikibaka sa buhay. Harapin natin ito nang positibo at may tiwala sa Maykapal. God Bless us all this 2015!
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT. PASAPORTE/JR LANGIT
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment