DALAWANG preso na ang naibalik sa kulungan habang 14 iba pa ang tinutugis ngayon ng awtoridad matapos makapuga sa Quezon City Police District (QCPD) Cubao station 7 nitong nakaraang Disyembre 31.
Unang bumagsak sa kamay ng operatiba ng QCPD sa Rizal town kaninang madaling-araw ang presong si Robert Acabe na may kasong alarm scandal at sumunod naman nakuwelyuhan kaninang tanghali lamang si Benedict Guinto sa Bgy. 69, Caloocan City.
Hinahanap naman para maibalik sa selda ang iba pang preso na sina Roland Araneta at CJ Nuque, kapwa may kasong robbery, Wilmer Morales at Roberto Valdez, kapwa miyembro ng akyat-bahay gang, Rigor Alejandria na may kasong theft at shoplifting, Alvin Lorenzaga, na may kasong estafa, John Sicat, physical injury, John Patrick Dionido, na may kasong rape, Dennis Natividad, Tomas Evan Labutong at Reneth Flores, Miguel Galino, Jeremy Llena na pawang may kasong paglabag sa city ordinance at Emerson Castro na may kasong frustrated homicide.
Mismong si QCPD director senior Supt. Joel Pagdilao pa ang nakaalam na may nakatakas na mga preso sa nasabing kulungan kaya iniutos na magsagawa ng headcount sa dalawang kulungan.
Sa dating 53 bilang ng preso, 37 na lamang ang natira rito.
Natuklasan na mabilis na nilagare ng isa sa mga preso ang rehas ng bubungan ng kulungan habang nasa banyo ang jailguard na hindi nakuha ang pangalan.
Nang muling maihawla, inamin ni Acambe na nais nilang makapiling ang kanilang mahal sa buhay kaya sila napilitang tumakas.
Dahil sa alingasngas, sinibak na ang nasabing jailguard at ang Cubao station commander.
Plano naman palagyan ni Pagdilao ng CCTV ang lahat ng mga kulungan ng QCPD upang hindi maulit pa ang pangyayari. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment