Tuesday, November 11, 2014

KAWATAN SA DOH AT HONEST NA TRIKE DRIVER

ANAK ng tokwa, kaya pala milyones ang namamatay na batang Pinoy mula sa pagka-baby hanggang 14 dahil sa anomalya sa bakuna para sa mga ito.


Lalo na ang bakuna sa pneumonia.


Sa halip kasi na patakan o turukan ang mga ito ng bakuna nang tama, ‘yang kumita sa transaksyon ang inaatupag ng mga opisyal ng Department of Health.


Sabi sa mga sumbong kay Pinoy, may P833M iskam sa bilihan sa bakuna noong 2012 ang iniimbestigahan na.


Kaya pala, pinalayas pansamantala raw bilang DoH secretary si Enrique Ona at biglang nawala sa eksena si dancing queen Eric Tayag bilang DoH spokesman.


ANG ISKAM AT SINONG KUMITA


Sabi ni Justice Secretary Leila de Lima, inutusan na nito ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang iskam.


At syempre, nakatali ang iskam sa biglang pagbabago ng uri ng biniling bakuna nina Ona at Tayag.


Dumaan umano sa pasubasta ang pagbili ng bakuna at naging rekomendasyon ng World Health Organisasyon, National Center fo Pharmaceutical Access and Management at Formulary Executive Council ang isang bakuna.


Pero iba ang binili nina Ona sa bisa ng “exemption certificate” na inisyu nito at pagpirma naman sa bilihan ni Tayag.


Ang hiling ng WHO at iba pa na bakuna na bilhin dahil mas mura at mas maraming magagamot o mapipigilang sakit ay ang Pneumococcal Conjugate Vaccine o PCV 13.


Pero ang biniling gamot, sa bisa ng exemption sa patakaran o pasubasta sa bilihan ay ang PCV 10.


Tanong: sino ang kumita ng malaki sa transaksyong ito… kung puno nga ng anomalya ang halos P1-bilyong salaping-bayan na ginamit dito, huh?


35 BABY KADA 1,000 PATAY


Natotodas sa sakit ang 35 batang Pinoy na kapanganganak lamang.


Eh, nasa dalawang milyon ang ipinanganganak taon-taon.


Gaano karami ngayong ang namamatay taon-taon na bagong silang na baby sa dalawang milyon, huh?


Paano ang mga may edad dito hanggang sa mga 14-anyos?


Madaling magkasakit ang mga ito dahil sa kawalan ng bakuna at ito na rin ang sanhi ng kamatayan ng mga ito.


Tiyak na alam na alam nina Ona at Tayag ang mga rekord na ito.


Pero nakapagtatakang ang mga tagapag-alaga ng kalusugan ay inuuna ang pagkakaperahan kaysa ang kanilang obligasyon.


Kung ganito nang ganito ang nagaganap sa DoH, tama nga na pagsisibakin ang mga baboy riyan.


PINAS ANG PINAKAMASAMA


Ayon sa mga rekord ng WHO, ang Pilipinas ang may pinakamasamang rekord sa pagpigil sa kamatayan ng mga bagong silang sa buong South East Asia.


Kabilang sa SEA ang mga bansang Singapore, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand at iba pa.


Sa ibang salita, sa Pilipinas matatagpuan ang may pinakaraming patay na batang kapanganganak lang. At ito’y dahil sa hirap ng buhay ng kanilang mga magulang, sobrang kawalan o kakulangan ng masustansyang pagkain at sakit.


Eh, mahirap na nga at lubog sa gutom ang pamilyang Pinoy, anak ng pitong putakte, kinokorap pa ang panlaban sa sakit.


HINAHARANG


Ayon mismo sa mga taga-DoJ, matagal nang nag-iimbestiga ang NBI rito.


Pero hindi sila makausad-usad sa kanilang tahimik na imbestigasyon.


Walang gustong magsalita at pinaiikot-ikot yata ang mga ito.


Ngayong sumambulat ang iskam, huwag sabihin ng mga taga-DoH na tatahimik pa rin sila. Lalo na ang mga may alam sa iskam.


Nasaan ngayon ang mga posibleng whistleblower?


Sabi ng mga taga-Malakanyang, pinagpapaliwanag si Ona at si Tayag na rin.


Kaya ang panahon na wala sila sa harapan ng publiko ay gugulin nila sa paggawa ng mga ulat ukol sa transaksyon.


Ito’y para mabigyan sila ng due process at dito malalaman na rin kung totoo o hindi ang mga bintang.


KAIBA SA DRIVER


Mabuti pa ang mga driver at nagpapakita ng kabaliktaran ng ginagawa ng mga taga-DoH.


Itong si Zaldy Lagunday, 46, ng Bgy. Manoc-Manoc, Boracay ay nakapulot ng P3.5-milyon habang namamasada ng traysikel.


Nakalimutan ng mga turistang dayuhan ang salapi na nakasilid sa isang bag nang bumaba ito sa traysikel ni Lagunday.


Ang ginawa ni Lagunday ay pumunta sa police station at isinurender nito ang bag na pag-aari pala ng dalwang Koreano.


Laking pasasalamat ng mga Koreano sa ating driver at pinagyayakap ito sa galak.


Matapos iyon, agad na umalis si Lagunday at hindi nito nagawang kilalanin pa ang mga Koreano.


Basta ang nasa isipan niya ay masama ang pag-angkin ng hindi sa kanya at labag ito sa batas ng Diyos.


PINARANGALAN


Dahil sa katapatan nito sa lahing Filipino at kabutihang-asal, binigyan si Lagunday ng karampatang parangal ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative na kanyang kinasasapian.


Syempre, kasama tayo sa nagbibigay-pugay kay ZALDY LAGUNDAY.


Hindi lang ang kanyang sariling dangal at buhay ang kanyang binigyan ng labis na pagpapahalaga kundi ang ating bansa at ang ating lahi.


Sana naman, kapatid na Zaldy, mabasa ng mga korap sa DoH ang iyong ginaw at gawin ka nilang ehemplo sa kanilang buhay.


Mabuhay ka, ZALDY!


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



KAWATAN SA DOH AT HONEST NA TRIKE DRIVER


No comments:

Post a Comment