KUMADENA ng tatlong sunod na sets ang Systema Active Smashers upang kaldagin ang IEM Volley Masters, 21-25, 23-25, 25-19, 25-23, 16-14 sa Game 1 ng Finals ng Shakey’s V-League men’s division kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hilahod ang Systema sa set 1 at 2 subalit hindi nasiraan ng loob ng mga ito at lumabas ang kanilang tikas sa third, fourth at fifth set ng magsimulang uminit ang atake ni Angelo Espiritu.
Hawak ng Systema ang manibela 16-10 sa set 3 at sinundan ito ng 5-2 run para ilagay ang Active Smashers sa komportableng puwesto, 21-12.
Pahirapan ang naging labanan sa huling dalawang sets, nagtuloy-tuloy naman ng pag atake ni Espiritu kaya nakuha ng Systema ang panalo at makauna sa kanilang best-of-three series.
Bumira ng isang palo at isang service si Espiritu para ilista ang huling dalawang puntos ng Systema.
Samantala, tinanghal na Most Valuable Player (MVP) at Best Spiker si Jeffrey Jimenez ng IEM habang Best Scorer si Salvador Depante ng Systema.
Napunta naman kay Rocky Honrade ng Systema ang Best Blocker, Best Server si Joshua Barrica,Best Receiver si Rikko Marmeto ng FEU Tamaraws at Best Setter si Renz Ordoñez ng IEM.
Sa women’s division, nasungkit ni Aiza Maizo-Pontillas ng Cagayan Valley Rising Suns ang MVP award at Best Scorer.
Ang ibang nakakuha ng award ay sina Jovelyn Gonzaga ng Philippine Army Best Attacker, Aby Maraño ng Meralco Power Spikers Best Blocker, Chi Saet ng Cagayan Valley Best Server, Lizlee Ann Gata-Pantone ng PLDT Home Telpad Turbo Best Digger, Ruby De Leon ng PLDT Best Setter at Bang Pineda ng Cagayan Best Receiver. ELECH DAWA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment