Friday, May 2, 2014

RET. FISCALS-PROSECUTORS GINUGUTOM NG MALACAÑANG

baletodo NAKAUSAP ko ang maraming retirado na mga piskal o prosecutors mula sa iba’t ibang rehiyon. Galit sila. Gustong magwala dahil inubos nila ang kanilang panahon sa serbisyo publiko bilang tagatimbang ng batas para lang pagkatapos ng kanilang tungkulin, bilang retirado, gugutumin pala sila ng estado.


Mantakin mo, ‘yung mga nagretiro ay hindi alam kung kailan ibibigay ang kanilang mga benepisyo. Ni hindi raw matiyak sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM) kung buhay pa sila o patay na bago matanggap ang kanilang retirement pay.


Sabi ng isa sa pinakamatanda na nakausap natin, hindi naman daw ganoon ang dating sistema. Pinakamatagal na raw ang isang taon at ilang buwan, matatanggap na ang buong retirement pay kasunod ang buwanang pensyon.


Mayroon sa kanila ang dekada na ang paghihintay. Sabi, bago maupo si Pangulong Benigno Aquino III at Budget Secretary Butch Abad ay papalabas na ang kanyang pondo.


Inabot lang ng eleksyon at palit liderato, naunsiyami na ang kanyang retirement pay. Hanggang ngayon, wala pa raw linaw!


Kaya halos sabayan na sinabi nilang ginugutom sila ng Malacañang. Sabi ng ilan, buti kung gutom lang ang abutin nila dahil sa laki ng gastusin nila sa kanilang gamot at pagkain. Baka raw patay na sila ay hindi pa rin naibibigay sa iiwanang pamilya ang dapat ay mapasakanila na.


Dapat magpaliwanang ang Malacañang sa usapin na ito ng mga retirado hindi lang sa Hudikatura kundi sa marami pang ahensya ng gobyerno na nagsipagretiro na rin. Ano ang dahilan bakit hindi ninyo maibigay?


Garapal iyan, G. Noynoy at Butch Abad. Hayan nga at kayo mismo ay umamin sa mga “tulong” ninyo sa inyong mga kaalyado na pondo.


Daan-daang milyon, bilyong piso ang pinakawalan ninyo sa pork barrel at DAP. Hindi ba kayo nahihiya sa nagsitandang manggagawa ng ahensya ng gobyerno?


May mga nakausap din tayo na mga retiradong pulis. Ganoon din ang nararanasan nila ngayon.


Bakit ipinagkakait ninyo ang kanilang pera? Pinaghirapan nila iyan nang mahabang panahon. Mga kontribusyon sa security and insurance ng pamahalaan katulad ng GSIS, SSS, AFPSLAI at mga kauring ahensya.


Kanila ang perang iyan!


Matatanda na sila kaya nagretiro. Mabigat ang kanilang gastos lalo na ‘yung mga nagkakasakit na.


Wala kayong karapatan na pigilan sa inyong mga pinagtataguang bangko ang pera nila. Tatlong dekada na serbisyo, ang hirap pa rin ng buhay nila.


Kayo, kailan lang naupo, may mga mansyon at magagarang sasakyan at sandamukal pa ang pera!


Kakapalan, hindi ba?


The post RET. FISCALS-PROSECUTORS GINUGUTOM NG MALACAÑANG appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



RET. FISCALS-PROSECUTORS GINUGUTOM NG MALACAÑANG


No comments:

Post a Comment