WALA akong matandaan na politikong natanggal sa puwesto dahil sa ‘excessive election spending’ kundi si Laguna Gov. ER Ejercito.
Nilabag, ayon sa Comelec, ni Ejercito ang ipinagbabawal nilang ‘overspending’ sa nakaraang May 2013 election.
Ang utos na ito ng poll body ay kapuri-puri dahil pagkatapos ng maraming taon na pagpapatupad ng halalan ay may natanggal na lumabag sa naturang batas.
At ang malas na nahuli ng Comelec sa sinasabi nilang paglabag sa ‘overspending’ law ay si Ejercito.
Malas siya dahil sa rami ng lumalabag sa batas na ito, siya ang nasakote at ngayo’y kanyang pinagdurusahan.
Kung talagang paiiralin ang overspending law, siguradong iilan lang ang matitirang senador, kongresista, gobernador at mayor.
Marahil ay naging careless si Gov. ER sa paggasta ng kanyang campaign fund kaya ang ‘di inakalang pagkakamali ay nasilip ng kalaban.
Dahil sa ulat, ang kalaban sa pulitika ni Gov. ER ang nagsubo sa Comelec ng mga ebidensya na dahilan ng kanyang pagkakatanggal.
Kumbaga, ‘di na kinailangan ng poll body ng mahabang panahon para mangalap ng ebidensya para siya’y madiin sa nasabing kaso.
Sa mismong bibig ni Chairman Sixto Brillantes nabalita na napakaraming kaso ang kanilang iniimbestigahan ukol sa mga politikong sumobra raw ang gastos sa election.
Pero dahil ang mga nagsusumbong at nagrereklamo ay kulang sa ebidensya kaya nagtatagal ang kaso at sa kalaunan ‘di napatutunayan ang sumbong.
Tama si Chairman Brillantes. Kailangan nila ang tulong ng mga naghahahain ng reklamo para matanggal ang lumalabag sa ipinagbabawal na overspending law.
Dahil ang mga nagrereklamo ang higit na nakaaalam kung ano ang nangyayari sa labas kapag panahon ng kampanyahan.
Sa bansa natin, napakaraming tusong politiko ang gumagamit ng limpak-limpak na salapi para bumili ng boto at manalo.
Sandamakmak ang ‘ER’ sa Pinas. ‘Yan ang totoo.
The post ER SA PINAS SANDAMAKMAK appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment