NAKALULUNGKOT, mga parekoy, ang mga istoryang nag-banner sa iba’t ibang tabloid, kasama na rin ang aming mahal na Remate.
Ang mga ito ay ang pagpaslang ng isang 31-anyos na ama sa kanyang 7-anyos na anak na babae dahil sa pag-iwan ng kanyang misis na nagtungo sa Canada, kasama ang kaibigang lalaki.
Brutal na pinatay ni Mark Alvin Manlinlic ng Novaliches, Quezon City ang anak na si Angel at para ipalasap sa kanyang misis ang hapdi ng pag-iwan, ginawa pang picture profile ang kamamatay na anak.
Eto pa, ilang araw makaraan ang nakahihindik na balita, pinatay naman ng isang balikbayan ang kanyang misis na balikbayan din noong isang linggo sa kanilang bahay sa Roxas District, Quezon City.
Sa ulat, umiiyak ang kanilang anak na limang-taong-gulang na lalaki dahil sa gutom ngunit walang kaalam-alam na patay na ang kanyang mga magulang na apat na araw pa lamang nagsasama rito sa Pilipinas.
Dahil si mister ay galing ng Japan habang si misis ay may isang buwan na sa bansa mula sa Dubai at mismong araw kung kailan siya patungo muli sa nasabing bansa ay pinaslang siya ng kabiyak.
Ang motibo, labis na nagseselos si mister kay misis at upang mapakalma ng huli ang una, hinimok nitong sumama na rin sa Dubai at iwan ang kanilang anak.
Gayunman, hindi nagkasundo kaya naman binaril daw ni mister si misis sa ulo saka nagbaril sa dibdib. Tsk, tsk, tsk!
Isa pang kaso, pitong beses na sinaksak at anim na beses tinaga ni misis ang kanyang 3-anyos na anak na babae sa Benguet nito lamang Martes. Homaygad!!!!
May ina palang ganoon?!?
Ang motibo, iniwan din ni itay si inay kaya naman napagbalingan ang kanilang walang muwang na anak.
Bagaman pansariling problema ito, hindi ba’t may obligasyon din ang pamahalaan na ireporma ang pag-iisip ng lahat?
Sa sunod-sunod na krimeng ganito na family vs family ang kategorya, hindi kaya masyado nang nabubulagan ang tao?
Mayroon tayong Department of Social Welfare and Development na hindi lamang materyal ang dapat itaguyod kundi kapakanan na rin ng taumbayan. Pero mukhang abala ang DSWD sa pamumudmod ng kanilang doleout sa anyo ng Conditional Cash Transfer at nakalilimutan na maglaan para humikayat na magbigay ng pagpapahalaga sa kapwa.
Maaaring seminar o mga aktibidad na muling maibalik ang ating good trait bilang Pinoy. Sana hindi pa huli ang lahat, na maibalik ang ating magandang katangian, ang maging mapagmahal sa pamilya!
The post PAMILYA + VALUE appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment