KUNG kailan tahimik ang paligid, mas kinakabahan pa nga sila.
Ito ang kuwento ng mag-asawang OFW na nagtatrabaho sa Libya. Matagal na silang OFW roon.
Nang pumutok ang giyera, tumakas sila sa gitna ng kaguluhan. Walang bitbit na anoman kundi ang kanilang mga katawan at kung ano lang ang kasya sa isang bag na kaya nilang dalhin at sumunod sa bawat tagubilin ng pamahalaan na lisanin ang Libya.
Mahigit dalawang taon din silang walang trabaho sa Pilipinas. Nahirapan silang makakuha ng anomang trabaho o sideline ngunit tuloy pa rin ang gastos.
May hinuhulugang bahay, pinag-aaral na mga anak, pagkain, at gamit sa bahay tulad ng kuryente, tubig at telepono.
Higit na ipinagpapasalamat na lamang ng mag-asawa na naging masinop sila sa kanilang mga kinikita habang nasa abroad.
Nag-ipon sila at iyon ang ginamit nila sa buong panahon na wala silang trabaho.
Naging matalino ang mag-asawang ito sa tamang paggamit ng pera. Ang naitabi ang nakapagsalba sa kanila sa panahon ng kagipitan. Hindi sila nagbenta ng gamit o nangutang.
Naaalala ko tuloy, napakarami nating kababayan na galing noon sa Libya ang nagsisisi kung bakit pa sila umuwi.
Sana’y hindi na lang umano nila iniwan ang bansang iyon kaysa dinanas din nila ang matinding hirap sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Marami rin tayong kababayan noon ang pabalik-balik sa Bantay OCW at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang matulungan silang makuha ang mga suweldong hindi naibigay ng kanilang employer.
Mahigit dalawang taon na nagtiis ang mag-asawa hangga’t tawagan sila muli ng kanilang dayuhang employer din na nakabase sa Libya. Hindi na sila nagdalawang isip.
Mabilis nilang isinaayos ang kanilang mga dokumento at kaagad na bumalik ng Libya. Ito na lamang ‘anya ang tanging paraan upang makabawi sila sa matagal na panahon na walang trabaho.
Malaki na rin ‘anya ang bentahe sa kanilang pag-aabroad dahil mag-asawa sila na kinukuha ng kanilang employer.
Pagdating ng Libya, nakaririnig pa rin sila ng mga putukan. Minsan malinis na malinis ang mga kalsadang daraanan nila at iyon pala’y katatapos lamang ng mga bakbakan. Kapag gabi naman, akala mo aniya’y palaging nagbabagong taon. Dahil may mga maliliwanag na pumaiilanlang paitaas na susundan ng malalakas na pagsabog.
May mga panahong hindi na sila natutulog sa kanilang mga kama dahil maaaring tamaan sila roon ng ligaw na mga bala.
Mananatili na lang aniya sila sa kanilang sala at halos pagapang pa kung kailangang tumayo katulad ng pagkuha ng tubig o ‘di kaya’y magtutungo sa banyo. Nasanay na sila sa ganoong sitwasyon. Kaya kapag walang putukan, mas kabado ‘anya ang tao roon, dahil hindi normal iyon. Mas sanay silang palaging may putukan sa kanilang paligid.
Sino nga naman ang makapagsasabing ang mga kababayan nating ito, sanay na ring mamuhay nang normal sa gitna ng kaguluhan.
Ngayong itinaas na ng DFA ang Crisis Alert Level 3 sa Libya upang boluntaryong lumikas ang ating mga kababayan doon, handa silang umuwi muli, alang-alang sa kanilang kaligtasan.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Address: 2/F MRP Bldg.,Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: http://ift.tt/1ibHfEJ Helpline: 0927.649.9870
The post ‘DI NORMAL KAPAG WALANG PUTUKAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment