Friday, May 30, 2014

ESTRELLA’S LUCK

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT KATUPARAN ng pangarap na matagal nang hinahanap, natagpuan ng isang Pinay sa Thailand!


Sa Pattaya, Thailand ay nakilala ko si Estella Umprasert, ang negosyanteng Filipinang nagmamay-ari ng isang antique shop doon na sikat na sikat at tunay na dinarayo ng maraming parokyano.


Bagaman maganda na ang estado ng buhay ni Estella sa kasalukuyan, hindi pa rin niya nakalilimutan ang kahapon na kanyang pinagdaanan.


Nagmula sa isang mahirap na pamilya sa Samar, Leyter si Estella, at bata pa lamang siya nang maulila sa magulang, dahilan upang higit niyang madama ang hirap ng buhay.


“’Yung father ko namatay siya 7 years old lang ako, tapos ‘yung mother ko nu’ng pagka-graduate ko nang elementary namatay na rin siya. Ang buhay ko ay talagang mahirap kaya nagsikap ako na makapag-aral ako,” maramdaming kuwento niya.


Upang matustusan ang gastusin sa pag-aaral, nagdesisyon siyang lisanin ang kanilang bayan at magtungo sa Maynila upang maghanap ng trabaho.


Sa isang maliit na tindahan sa Quiapo siya dinala ng kapalaran bilang isang sales lady. Kasabay ng pagbabanat ng buto ay nag-aral siya ng kursong secretarial. Dito niya nakilala ang Thai na kanyang napangasawa at nang makapagtapos ng kolehiyo ay sumama siya rito patungong Thailand.


Sa Thailand ay naging isa siyang guro, bago niya naisipang pasukin ang mundo ng pagnenegosyo.


Sa tulong ng isang matalik na kaibigan na siyang nagpahiram sa kanya ng puhunan ay naipatayo niya ang kanyang antique shop.


Mga imahe ni Buddha, lucky charms at mga kahoy o carvings na may iba’t ibang hugis ay matatagpuan sa tindahan ni Estella.


Unti-unti ay nakilala at dumami ang tumatangkilik sa kanyang shop na karamihan ay mga turistang mula pa sa Europa at Amerika.


Sa paglipas ng panahon, higit na dumami ang paninda niya, kung noo’y mga antigong gamit lamang ang kanyang mga tinda unti-unti ay nadagdagan ito ng iba pang mga produkto gaya ng necktie.


Dahil din sa patuloy na pagtitiyaga at pagsisikap niya ay nadagdagan din ang kanyang mga negosyo.


Isang computer shop at beauty salon ang nadagdag sa pinagkakakitaan niya.


Sa pagtatapos ng aming kwentuhan ay isang payo at mensahe ang kanyang iniwan para sa mga kapwa Filipino na nagnanais na maging kagaya niyang matagumpay sa buhay.


“Isipin mo ang kasipagan, darating ang araw na ang biyaya ng Diyos, ibibigay sa ‘yo,” pagtatapos na wika niya.


Para kay Estella Umprasert, ang hindi pagsuko at pananatiling nakatayo ang naging daan upang kanyang makamtan ang kanya ngayong mga yaman.


*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fanpage: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.


The post ESTRELLA’S LUCK appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



ESTRELLA’S LUCK


No comments:

Post a Comment