Saturday, May 31, 2014

PANAWAGAN: PAMBANSANG PAGKAKAISA

puntong-marino-edgard-arevalo NOONG ika-27 ng Mayo 2014, sa isang panayam ng media noong ika-116 na Anibersaryo ng Hukbong Dagat ng Pilipinas (Philippine Navy) sa Ulugan Bay sa Palawan, naitanong kay Presidente Benigno Aquino III kung wala raw bang balak ang Pilipinas na magtayo rin ng mga istruktura sa WPS gaya ng ginagawa ng Tsina? Mangyari, ayon sa reporter, ay napag-iiwanan na tayo ng ibang bansa na umaangkin sa mga isla sa WPS gaya ng huling napaulat na reclamation na ginagawa ng Tsina sa Mabini Reef na pag-aari ng Pilipinas.


Matalino ang naging sagot ng Pangulo. Hindi gagawin ng Pilipinas ang ginagawa ng Tsina. Kanyang binigyang-diin ang isa sa mga probisyon na nilalaman ng 2002 Declaration of Conduct of Parties in South China Sea (DOC). Pumirma rito ang mga bansa sa Asya na may interes sa South China Sea/West Philippine Sea—ilan sa kanila ay ang Tsina, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Pilipinas.

“Kung gagawin natin,” ani Pangulong Aquino III, “ang ginagawa ng Tsina na pag-‘inhabit sa previously uninhabited islands’ sa WPS, magiging violator din tayo sa DOC.”


Ayon kasi sa Paragraph 5 ng nasabing Deklarasyon, sumasang-ayon ang mga lumagdang bansa na pipigilan ang sarili sa pagsasagawa ng mga aktibidad na makapagpapagulo o makapagpapalala ng hidwaang makaaapekto sa kapayapaan at katiwasayan (sa SCS/WPS) gaya ng mga pag-okupa sa mga hindi naman dating (as of 2002) okupadong isla, batuhan, bahura, o ano pa mang porma ng lupa sa ibabaw o ilalim ng dagat x x x”


Kung magkaganon, may katuwiran— at least simula noong 2002 —kung bakit hindi na tayo nagsasagawa ng anomang pagsasaayos sa mga pasilidad natin sa mga islang ating inaangkin. Iyo’y bilang pagtalima sa napagkasunduan. ‘Yun nga lamang, sa ating pagiging masunurin, argabyado tayo. Sa kabila ng pagpirma sa maraming kasunduan gaya ng sa Charter ng United Nations, ang 1982 UN Convention on the Law of the Sea, sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, sa Five Principles of Peaceful Coexistence, at iba pang “universally recognized principles of international law”, ang Tsina ay patuloy na lumalabag nang walang pakundangan.


Hindi tumutupad ang Tsina sa mga kasunduan. Ito’y muling napatunayan noong 2012 sa nangyaring stand-of sa Scarborough Shoal sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Nagkasundo ang dalawa na kapwa aatras na lamang upang maiwasan ang gulo. At gaya ng dati, naisahan na naman tayo. Tayo lang ang umalis, sila’y hindi. At buhat noon, inokupa na ng Tsina ang paligid ng Bajo de Masinloc/Panatag Shoal/Scarbourough Shoal.


Sa pagdaan ng mga araw, patuloy na nagiging mapusok ang Tsina. Tahasan na ang kanyang ginagawang paglabag sa Paragraph 5 ng nabanggit na DoC. Sa pagdedeklara ng Tsina ng fishing ban sa buong nasasakupan ng nine-dashed line; sa paglalatag ng Air Defense Identification Zone; sa pambobomba ng tubig sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc sa Pilipinas; sa paglalagay ng dambuhalang Oil rig sa Paracels at pambobomba ng tubig sa mga Vietnamese vessel; at nitong huli’y napabalitanng pagbangga ng barko ng Tsina hanggang sa lumubog ang bangka ng mangingisdang Vietnamese, lahat ito ay paglabag sa nasabing DOC na nagtatadhana gaya ng nabanggit na: “ x x x pipigilan (ng mga lumagda) ang sarili sa pagsasagawa ng mga gawaing makapagpapagulo o makapagpapalala ng hidwaang makaaapekto sa kapayapaan at katiwasayan x x x” sa South China Sea.


Sa harap ng mga mga hamon, (pinakahuling ulat nitong ika-30 ng Mayo 2014 na nakunan ng video ng isang telibisyon na mga mangingisdang diumano’y Tsino na nangunguha ng mga higanteng taklobo sa ating karagatan), mabuti at naging matapang sa pag-amin ang Tagapagsalita ng Department of National Defense ng Pilipinas. Ayon sa kanya, walang kakayahan ang ating bansa na ipagtanggol ang ating teritoryo at yamang dagat.


Kailangan talaga nating magpakatotoo at magpakumbaba na tanggapin ang tulong na iniaalok sa atin ng mga kaibigang bansa. Para na lamang sa ating mga anak at susunod pang henerasyon — kung hindi man para sa ‘makabayan’ at ‘magagaling’ nating kapwa Filipino.


Hindi na ngayon ang panahon at wala na tayong panahon na maaaring sayangin para magsisisihan kung bakit umabot sa ganito ang dati’y isa sa pinakamalakas na Navy sa Asya. Tingnan natin kung ano ang meron at anong options tayo meron ngayon –ligal, kooperasyon, dayalogo o mga kasunduan man. Pagyamanin at paunlarin ang mga ito upang siyang magsusulong ng pambansang kapakinabangan.


Higit sa lahat, tigilan na ang mga pagbatikos. Sa halip, tumulong sana at makiisa ang mga marurunong at makapangyarihan—lalo na ‘yung mga nagmamarunong, namumulitika, at hindi wasto ang paggamit ng kapangyarihan. Itaguyod at pangibabawin ang pambansang interes kaysa sa pansariling hangarin.


(edarevalo90@yahoo.com o i-tweet sa atty_arevalo ang inyong mga reaksyon)


The post PANAWAGAN: PAMBANSANG PAGKAKAISA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PANAWAGAN: PAMBANSANG PAGKAKAISA


No comments:

Post a Comment