KANYA-KANYANG salita ang mga sangkot sa madugong labanan ng mga pulis na Special Action Force, Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Freedom Fighters.
Ayon sa BIFF, 15 lamang ang kanilang napatay habang 35 ang nadale ng MILF sa nasa 50 SAF na biktima.
Bahala na kayo, mga Bro, kung ano ang ibig-sabihin ng pahayag ng BIFF.
Hindi kaya gustong ibaling ng BIFF ang pansin ng mga awtoridad laban sa MILF? Ang MILF pa naman ang kinakausap ng gobyerno para sa malawakang paghupa o pagtatapos ng giyera sa malaking bahagi ng Mindanao.
SISIHAN
Tatlong pwersa naman ang nagsisihan sa masaklap na pangyayari.
“Walang koordinasyon” ng SAF sa amin, sabi ng militar na may sakop sa lugar, ang bayan ng Mamasapano sa Maguindanao.
Ganito rin ang sinasabi ng MILF na naggigiit na dapat silang impormahan sa anomang pagpasok ng pulisya o militar sa kanilang mga “teritoryo.”
Siyempre pa, sinisisi rin ng gobyerno ang MILF sa pagsasabing sa ganitong pagkakataon, kahit na walang koordinasyon, dapat na magtaas muna ito ng alarma bago umatake.
Kung hanggang saan ang hantungan ng lahat ng ito, walang nakaaalam.
Basta ang pulbura ng giyerang ito ay nagtulak na sa mahigit 1,000 kataong sibilyan na lumayas sa kanilang mga barangay.
Namumuo ang mas malaking giyera? Huwag naman sana, mga Bro.
IBANG SISIHAN
May malaki o mas malaki pa ngang sisihan sa ibang parte.
Isa na riyan ang nauukol sa mga namahala sa operasyon ng SAF laban umano sa ilang notoryus na “mambobomba” ng Al Qaida na sina Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Usman Salik.
Si Marwan umano ang isa sa mga nasa likod ng Bali, Indonesia bombing na pumatay ng nasa 200 Kano, British at iba pa ilang taon na ang nakararaan.
Napahamak ba ang mga SAF dahil sa paghahangad ng merito o pagkilala sa pagtatagumpay ng pag-aresto o pagpatay sa mga bomber ng Al Qaida?
Mula sa command ng SAF sa area at Mindanao hanggang sa Camp Crame at Malakanyang ang usaping ito.
Dapat na isiping pambansang seguridad ang usapin ng mga Al Qaida bomber. At sa katunayan, umaamin na mismo ang Malakanyang na alam nila ang operasyon. At upang maiayos ang napakalaking pagkakamali, basta tinatawag na lang ngayon mismo ng Malakanyang na “misencounter” lang ang nangyari.
Tila pinagagaan ang pagbubuwis ng buhay ng marami nating kapulisan.
Eh, kung silang nagpipilit kaya ng misencounter ang matodas sa misencounter?
5M-6M DOLYAR
May isa pang nakadududang dahilan ng misencounter na nagbunga ng masaker.
Masaker dahil ikinukwento ng isa o ilang survivor na may naging sugatan lang pero tinuluyan ng mga kalaban ang mga ito para mamatay at hindi na magiging kalaban pa.
Ang isang nakadududa ay ang pabuyang nasa $5-6-milyon na bigay ng mga Kano sa gobyerno para makuha o maaresto o mapatay si Marwan, kasama na si Usman Salik.
Tanong lang: Ito ba ang isang malaki ring dahilan ng pagpasok ng SAF sa lugar na doon sila napatay? At sino-sino ang mga nag-utos ng operasyon na ang nasa likod ng utak ay makuha ang pabuya na kung ipalit sa piso ay aabot sa mahigit sa P200-milyon?
Sa mga sibilyang tipster daw ang nasabing salapi.
Pero sa mga bali-balitang kinokorap ang mga “reward money” ng kung sino-sino sa pamahalaan, dapat lang na lagyan ng pagdududa sa operasyon.
IMBESTIGASYON
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pangyayari.
Kaisa tayo, mga Bro, sa imbestigasyon upang matukoy ang mga naging problema sa operasyon.
Gusto nating malaman kung sino-sino ang nag-utos sa operasyon na puno ng kapalpakan o kamalian.
Gusto rin nating malaman kung posibleng ginawa ito para maharang ang tuloy-tuloy na pag-usad ng “peace process” sa Mindanao.
Gusto nating malaman kung isinakripisyo lang ang mga napatay na SAF para sa pagkuha ng pabuya.
Gusto rin nating malaman kung may kaugnayan ito sa nalalapit na halalang presidenyal sa 2016.
Malaki nga namang pogi points ang pagkakasakote o pagkakapatay ng mga bomber sa halalan.
Pintuan pa ito para maging matagumpay na tuta ng mga dayuhan ang magkakaroon ng kredito rito. At gusto rin nating malaman ang iba pang mga mahahalagang bagay na may kinalaman sa pambansang seguridad ng mahal kong Pinas.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment