UMAPELA ng tulong at pakikiisa ang isang pari para sa libu-libong pamilya na nasunugan sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Father Rey Hector Paglinawan, Parish Priest ng Most Holy Redeemer Parish ng Bgy. Apolonio Samson, Quezon City, mahigit 2,000 pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa mga covered court at ilang paaralan sa nasabing lugar na nangangailangan ng pagkain, tubig, kumot at mga banig dahil karamihan ay walang naisalbang gamit.
“Para po sa lahat ng tulong o donation, pwede niyo po akong kontakin nandito lang po ako sa Most Holy Redeemer Parish, Malac St., Masambong, Quezon City malapit po sa Police Station 2. Meron tayong itinatag na “Task Force Rasyon” para po sa lahat ng tulong, dini-distribute po natin ito sa apat na area kung saan tumitigil po yung mga biktima, although yung iba po from time to time bumabalik doon sa area nila kasi ang takot ng mga ganito baka mawalan sila ng lote,”panawagan ni Father Paglinawan sa Radio Veritas.
Nagpaabot din ang pari ng pakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa sunog.
Pinasalamatan din ng pari ang Caritas Manila at Quiapo church na nagpadala ng tulong para sa mga biktima ng sunog.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad, nagsimula ang sunog dahil sa isang kuwitis alas-sais ng umaga kahapon na umabot sa general alarm.
Tatlo katao ang kumpirmadong namatay at isang bumbero ang naputulan ng daliri sa naganap na pinakamalaking sunog na sumalubong sa taong 2015.
Sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP), 17 sunog ang naitala sa Kalakhang Maynila sa pagsalubong ng bagong taong 2015. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment