NAKAHANAP ng kakampi si DILG Sec. Mar Roxas sa pagbibintang na siya ang nasa likod ng demolisyon kay Vice-President Jejomar Binay.
Kung baga sa isang rambulan sa kanto’t sulok, bugbog-sarado na ang inabot ni Binay sa mga istambay.
Halos hindi na siya makagapang at makabangon sa mga inaabot niyang atake. Kaya apektado na pati ang kanyang rating sa mga sarbey.
At si Mar Roxas ang pinagbibintangan ng kampo ni Binay na responsable sa pagpapagulpi sa Pangalawang Pangulo.
Mabalik tayo roon sa una nating sinabi.
Aba’y kinampihan siya ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.
Sabi ni Pareng Erap na naging special guest namin noong Biyernes sa ika-62 anibersaryo ng National Press Club sa Intramuros, Maynila, si Roxas ay disenteng tao at hindi magagawa ang ibinibintang ng kampo ni Binay.
Nakagugulat ang statement na ito ni Erap lalo’t alam naman natin na siya ay kaalyado ng Pangalawang Pangulo sa partidong UNA.
Kung matatandaan, sinabi ng kampo ni Binay na si Roxas umano ang nasa likod ng “Oplan Stop Nognog in 2016” na naglalayong sirain ang presidential bid ni Vice-President Jejomar Binay.
Sinabi ni Estrada, ang kanyang opinyon ay base umano sa kanyang pagkakilala kay Roxas.
“Palagay ko hindi, ‘yung mga people around… members of that party kasi si Mar Roxas I had an experience, he was a former cabinet member, he is a decent man,” ayon kay Estrada.
Noong Presidente si Erap, si Roxas ay miyembro ng kanyang Cabinet.
Malaki ang bilib ni Erap kay Roxas bilang isang mahusay na economist.
Sa pakikipagkwentuhan niya minsan sa ilang miyembro ng media, nasabi ni Erap na malaki ang utang na loob ng mga Pinoy kay Mar dahil kung hindi sa kanya ay wala ngayong mga call center na nagbigay ng napakaraming trabaho sa mga bagong gradweyt.
Yes, si Roxas ang sinasabi ni Erap na utak ng pagkakaroon ng call centers ngayon sa bansa.
Sa ngayon, hindi natin malaman kung saan ba tunay na nakapanig si Pareng Erap. Kay Binay ba siya o kay Roxas?
Bagama’t kabilang siya sa kinikilalang lider ng UNA, waring nagkakalabuan sila ni Binay? Lalo noong tumunog na pati siya ay may balak muling tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2016 para banggain ang ambisyon ni Naybi.
Sa ginawa kaya niyang pagkampi kay Roxas ay lalong magkahiwalay ang landas nila ng dating ka-tandem noong 2010?
Pasarap nang pasarap na talaga ang nangyayari para sa darating na halalang 2016.
Abangan! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment