Friday, October 3, 2014

SCARECROW SI MAYOR

HINDI na malaman ng mga tauhan ng La Limar Beach Resort at La Libertad Municipal Employees Association kung kanino hihingi ng tulong dahil sa umano’y kalupitan at hindi makataong pagtrato sa kanila ng mga amo nila.


Karamihan umano sa mga empleyado ng La Limar Beach Resort sa La Libertad, Negros Oriental at LALIMEA, humahawak ng catering at food services ng nasabing beach resort, ay halos pito hanggang walong taon na sa kani-kanilang trabaho kaya pagod na rin sila sa mga nararanasang pang-araw araw na panggigipit sa kanila.


Kaya nga nananawagan sila sa Department of Interior and Local Government, Department of Labor and Employment, Office of the Ombudsman at Bureau of Immigration na tulungan sila sa kanilang suliranin.


Nais ng mga empleyado na maimbestigahan ang nasabing establisimyento at ang lokal na pamahalaan ng La Libertad sapagkat ang ilan sa mga tauhan ng Lalimar Beach Resort ay tumatanggap ng sahod mula sa kaban ng bayan.


Si Mark Sherban, isang dayuhan na nagtratrabaho sa La Limar Beach Resort ay tumatanggap ng sahod na P16,000 mula sa resort at P5,500 bilang general manager ng LALIMEA, habang ang mga ordinaryong empleyado ay tumatanggap lang ng P110 bawat araw na talagang below provincial minimum wage.


Ito’y isang paglabag sa karapatang pantao ng mga trabahador ng nasabing dalawang negosyo sa Negros. Sapagkat mas pinahahalagahan ang foreign national kaysa sa ating mga kababayan bukod pa sa munisipyo nito kinukuha ang kanyang suweldo.


Dapat alamin ng BI kung may working permit itong si Sherdan at kung overstaying na ito sa bansa. Posible rin kasing nakakuha ito ng citizenship bilang Pinoy.


Si Dyna Torres Hussain, ayon sa mga empleyado, ay isang municipal employee na may item na utility subalit nakatalaga itong operations manager ng La Limar Beach Resort at Lalimea. Tulad ni Sherdan, dalawang suweldo rin ang kinukuha nito sa munisipyo.


Maging si Cape Canaberal ay casual employee ng munisipyo subalit tulad nina Sherdan at Hussain ay nagtatrabaho sa dalawang establisimyento at kumukuha ng dalawang suweldo sa munisipyo.


Okey lang umano sa mga empleyado na maliit ang suweldo nila, kaso ang mga taong nabanggit na tumatanggap ng dalawang suweldo sa munisipyo ang nagmamalupit pa sa kanila. Hindi sila tinatrato na tao.


Madalas, kapag nagrereklamo ang mga empleyado dahil sa kakarampot na suweldo pero tambak ang trabaho, ipinananakot pa nina Sherdan, Hussain at Canaberal sina Mayor Lawrence Limkaichong at Vice Mayor Emmanuel Limkaichong Iway, Jr.


Ginagawa nilang scarecrow ang kanilang mayor at vice-mayor na magtiyuhin.


Mayor Limkaichong at Vice Mayor Iway, nawa’y maawa naman kayo sa mga empleyadong nanilbihan sa inyong pamunuan at bigyan naman ninyo ng katarungan ang pagmamalupit ng mga “big boss” ng La Limar Beach Resort at Lalimea sa kanila.


Kayong dalawa kasi ang isinasangkalan ng mga “amo” sa nasabing negosyo.


Kayo raw ang ayaw magbigay ng mga ligal na benepisyo tulad ng Philheath at GSIS o SSS sa mga tauhan at tamang sweldo sa mga nagrereklamong empleyado. PAKUROT/LEA BOTONES


.. Continue: Remate.ph (source)



SCARECROW SI MAYOR


No comments:

Post a Comment