ALAM kaya ni Manila Mayor Joseph Estrada na regular na ang tupada sa loob ng Manila North Cemetry (MNC) tuwing araw ng Sabado at Linggo at ang nagpapatupada ay ang mismong director nito?
Tama kayo, si MNC Director Daniel “Dandan” Tan ang pasimuno ng tupadahan sa loob ng sementeryo roon sa may bandang libingan ng DSWD.
Hindi pa raw kuntento itong si Dandan sa kanyang tupadahan sa sementeryo at dumarayo pa ito ng tupada sa Tondo.
Ayon sa ilan nating impormante, itong si Dandan daw ay natalo ng halagang P300 libong piso kay Bgy. Chairman Randy Sy ng Tondo, Maynila may ilang linggo na ang nakalilipas.
Tsk…tsk…tsk, ang laki pala talagang kumita nitong si Dandan ngayong nasa MNC na ito. Talagang napakikinabangan nitong si Dandan ang mga namayapa na at nakalibing na sa sementeryo.
Daig pa pala nitong si Dandan ang mga corrupt na politiko na ang tanging pakinabang lang nila sa mga namatay na ay ‘yung kanilang mga boto samantalang itong si Dandan ay milyones ang pakinabang. Dahil bukod sa negosyo ng kanyang asawa sa loob ng MNC na construction supply ay malakas din ang tupadahan at mga iligal nito.
Sinuyod ng Lily’s Files ang loob ng nasabing sementeryo at doon ay namangha kami sa aming nakita dahil hindi lang pala sabong ang mayroon dito kundi halos lahat ng iligal na sugal ay mayroon.
Maging ang mga Video-karera ay nakatanim din sa loob ng Manila North Cemetery, kahit saang lugar ka lumingon ay may makikita kang mga nagtotong-it.
Nakapagtataka lang kung bakit malakas ang loob nitong si Dandan na magpatupada sa sementeryo. Sino ba ang kapit nito sa city hall at sa MPD? Ayon sa mga impormasyong tinanggap ng Lily’s Files, itong si Dandan daw ay buntot ng buntot kay Vice Mayor Isko Moreno, lalo na noong may balitang papalitan ito bilang administrator ng MNC.
Hindi ba galit na galit itong si Mayor Erap sa mga VK dahil ang mga naaapektuhan daw rito ng husto ay pawang mga kabataan? Eh, bakit mayroon sa loob ng sementeryo?
Bakit hinahayaan lang ng Manila Police District (MPD) na mamayagpag ang mga iligal na sugal at magkalat ang mga VK machine sa loob ng Manila North Cemetery (MNC)? Dahil ba mayroon din silang nakukuhang lingguhan dito?
Mayor Erap, bakit pumapayag ka na “bastusin” nitong si Dandan ang mga namayapa na at nakahimlay riyan sa sementeryo? Hindi ba kumpare at kaibigan mong matalik si “Da King”? Di ba sa sementeryong ‘yan din siya nakalibing?
Ang sementeryo ay isang sagradong lugar dahil dito nakahimlay ang mga namayapa nating mahal sa buhay. Igalang naman sana natin ang kanilang mga kaluluwa. LILY’S FILES/LILY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment