ISANG hindi pa nakikilalang lalaki na butas ang magkabilang palad na mistulang binaunan ng pako, saksak at tama ng bala ng baril na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa loob ng compound ng isang shipping line kagabi, Martes, Sept. 30, sa Navotas City.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng biktimang may taas na 5’6, may kalakihan ang katawan, may mga tattoo ng mukha ng babae sa dibdib na RY, BCJ, Hapon Baby at Jonalyn na nakasubsob sa isang bahagi ng compound ng Solid Shipping Line, Inc. na matatagpuan sa #42 H. Lopez Boulevard, Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS).
Sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Ronnie Garan, may hawak ng kaso, dakong 7:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng nasabing compound.
Ayon sa salaysay ng sekyu na si Santiago Agpaon, 58, nag-iikot siya sa binabantayang compound nang makita ang bangkay ng biktima dahilan upang agad na itawag sa mga awtoridad.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), tadtad ng saksak, may tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang hindi nakilalang biktima.
Dinala na ang bangkay ng hindi nakilalang biktima sa Saint Marc Funeral Homes sa nasabing lungsod. ROGER PANIZAL
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment