PASADO na sa committee level ang panukalang batas na nagbibigay ng 20% discount sa mga estudyante sa lahat ng pampublikong sasakyan, kabilang sa eroplano at barko.
Sinabi ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na ang kanyang House Bill 8501 ay pumasa sa House Committee on Transportation and Communication kung saan sa Senado ang counterpart nito ay inihain naman ni Senador Sonny Angara.
Tiwala si Vargas na sa pamamagitan ng nasabing panukala ay mahihikayat din ang mga estudyante na lumahok sa academic, extra curricular at civic activities kahit na wala silang pasok gayundin pagbibigay ng konsiderasyon sa mga sumasailalim sa internships, training at iba pang aktibidad ng mga mag-aaral.
Ang diskuwento ay epektibo lamang mula Lunes hanggang Sabado.
Nakapaloob sa panukala na ang mga estudyanteng hindi mabibigyan ng 20% diskwento ay maaaring maghain ng reklamo sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa mga public transportation utilities maliban na lamang sa tricycles.
Ngunit kung sa sasakyang pandagat ay maaaring maghain ng reklamo sa Maritime Industry Authority (Marina) at Civil Aeronaoutics Board (CAB) naman kapag may kaugnayan sa sasakyang pang-himpapawid.
Maaari naman magreklamo sa Department of Transportation and Communications (DOTC) kapag magrereklamo laban sa pamunuan ng Light Rail Transit (LRT) at Manila Metro Rail Transit (MRT) system.
Ang sinomang lalabag dito ay Kukumpiskahan ng lisensya ng mga driver ng pampublikong transportasyon sa loob ng isang buwan sa first offense, dalawang buwan sa second offense at tatlong buwan sa third offense at multang P1,000 na hindi magbibigay ng 20% discount sa mga estudyante.
Pagmumultahin din ang mga operators ng sea/water o air public transportation utility dahil sa pagtanggi ng kanilang mga empleyado na hindi susunod sa nasabing panukala sakaling tuluyan na itong maisabatas. MELIZA MALUNTAG
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment