MATAPOS maituro na siya ang pumaslang kay Jeffrey Lauder alias Jennifer, pumayag ang Estados Unidos na pansamantalang ikustodiya ang suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa Camp Aguinaldo.
Ito’y upang kalmahin lang ang nagwawalang mga kamag-anak at sympathizer ni Laude at ilang kontra sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Pero hindi pa rin tuluyang ipinauubaya ng Amerika si Pemberton sa Pilipinas kaya nga ang mga bantay nito ay pawang mga sundalong Amerikano.
Nananatiling hindi kinikilala ng United States ang karapatan ng Pilipinas sa paghawak ng kasong pagpatay sa ating kababayan na nilunod sa toilet bowl ng isang motel sa Olongapo.
At hindi iginagalang ni Pemberton at ng kanyang mga amo ang batas ng Pilipinas dahil kahit nasa teritoryo ng Pinoy ang Kano ay hindi naman niya sinisipot ang pagdinig.
Teka nga, paano nga namang igagalang ng dayuhan ang ating bansa gayong mismong si Pangulong si Benigno Aquino III ay hindi naman binibigyang-halaga ang buhay ng ating kababayan.
Hindi naman pwedeng kontrahin si Aquino sa kanyang desisyon na huwag sumilip sa burol ni Laude upang makiramay dahil tama naman ang kanyang posisyon na hindi siya nakikiramay sa hindi niya kilala.
Kaya nga sa araw ng libing ni Laude ay dumalo siya sa anibersaryo ng Jesus Is Lord kung saan mas maraming tao ang makakasalamuha niya na makukuha niya ang simpatiya.
Sa madaling salita, wala siyang panahon sa mga taong walang koneksyon sa kanyang buhay. Pero ang mga Filipino, sa pangalan lang kilala si dating Pangulong Corazon Aquino, ina ni Pangulong Noynoy, pero nagsidalo at nagbuhos ng oras at panahon sa paghahatid sa huling hantungan nito.
Halos magkahalo ang luha, pawis at ulan sa katawan ng mga nakiramay.
Kelan kaya magigising si Pangulong Aquino na pinasasakay, idinuduyan at inihehele lang siya ng mga Kano kaugnay sa VFA na ginagawang sangkalan o proteksyon ng US military personnel sa pagsasamantala sa batas ng Pilipinas?
Inuunggoy lang ni Uncle Sam si Juan dela Cruz at ginagamit ang VFA upang mas lalong samantalahin ang kahinaan ng pamahalaan.
Dapat magising na ang Pilipinas na maraming utang ang Estados Unidos sa Pilipinas mula sa pang-aabuso sa karapatang pantao at kalikasan at pagkitil ng buhay ng ating kababayan. PAKUROT/LEA BOTONES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment