GRABE na talaga ang pagnanakaw sa Pasay. Maliban sa naglipanang mga holdaper at isnatser sa siyudad, sangkatutak din ang mga kawatan sa pamahalaang lungsod, magmula sa mga namamahala nito hanggang sa mga tauhan ng trapik at maging sa kanilang Anti-Smoke Belching Unit (ASBU). Ang kakapal naman ng mga mukha niyo!
Una na nating ibinunyag ang patigil-tigil na repair ng Pasay City Hall of Justice na pinaglaanan ng P250-milyon subalit hanggang ngayon ay daig pa ng bahay ng mga squatter ang opisina ng ating mge huwes. Mainit at nagkalat ang mga maalikabok na mga dokumento at sira-sirang muwebles sa gusali at hindi mo talaga aakalain na ito ay opisina ng ating mga huwes at piskal.
Mayor Tony Calixto, ano ba naman ‘yan. Hindi ka ba nahihiya na ang Pasay na lamang ang bukod-tanging lungsod sa balat ng Pilipinas ang may ganitong Hall of Justice?
Sabagay, mukha yatang may ibang pinagkakaabalahan itong si meyor kaya’t ni hindi na niya masaway ang ginagawang kawalanghiyaan ng kanyang mga tauhan sa traffic enforcement bureau at sa ASBU.
Tingnan ninyo kaya ang YouTube at nagkalat ang video ng mga traffic enforcer ng Pasay na huling-huli sa pangongotong? Sa kanto lang Taft Avenue ay Gil Puyat Avenue at sa kanto ng Macapagal at Gil Puyat ay nagkalat ang mga traffic enforcer na walang ginawa kundi mangotong. Maghapon silang nag-aabang ng mga pribadong sasakyan na kanilang pinapatawan ng kung ano-anong violation pero pinapabayaan naman nila ang mga bus at jeepney na bumabalandra kung saan-saan.
Sa Macapagal ay napakarami ang kanilang nabibiktimang mga pribadong sasakyan na kumakanan sa Gil Puyat Avenue sa pamamagitan ng pangalawang lane. No right turn daw umano ang lane na iyon subalit burado naman ang anomang palatandaan na yung inner lane lang ang pwedeng gamitin kapag kakanan sa Gil Puyat.
Ito namang mga ASBU, maghapon din nanghaharang ng mga pribadong sasakyan at delivery truck upang diumano ay magsagawa ng smoke belching test habang dinadaan-daanan lamang sila ng mga jeep at bus na ang kakapal ng mga ibinubugang usok.
Eh, bakit hindi ang mga ito ang parahin niyo sa halip na pagdiskitahan ninyo ang mga pribadong sasakyan na ang ilan ay naaantala pa sa kanilang mga pupuntahang appointment? Halatang-halata tuloy na kotong lang ang habol ninyo. Kailan kaya magbabago ang mga ito?
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment