MALAKI ang maitutulong ng pakikipagtulungan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi sa Department of Education (DepEd) upang maisulong ang K+12 program para sa mga estudiyante ng lungsod.
Sa pamamagitan ng itinatag na Senior High School Task Force ng DepEd at ng administrasyon ni Fresnedi, mas mapaghahandaan ang pagdagsa ng mga enrollee sa secondary schools kung saan ay madaragdag na rin ang senior high school sa susunod na mga school year.
Base kasi sa ginawang pag-aaral ng DepEd, mahihirapan sila sa pagdagsa ng mga grade 11 to 12 sa 2016 dahil na rin sa pagdami ng bilang ng mga mag-aaral na gustong makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Dahil dito, nakipagtulungan ang naturang tanggapan sa administrasyon ni Fresnedi upang agad itong mabigyan ng solusyon na binigyan naman ng pansin ng alkalde upang hindi mahirapan ang mga dadagsang estudiyante.
Isa sa nakikitang solusyon ni Fresnedi ay ang pagtatayo ng mga classrooms na magagamit ng mga dadagsang enrollees ng senior high schools sa mga public school, bukod pa sa pagdagdag ng mga guro.
Bukod dito, magkakaroon din ng general appropriation act ang lokal na pamahalaan upang mabigyan ng atensyon ang posibilidad na paglipat ng mga estudyante mula sa private papunta sa public schools.
Sinabi pa ng alkalde na makaaasa ang mga Muntinlupeño na matutulungan sila ng lokal na pamahalaan sa pagkamit ng kanilang inaama na diploma sa pag-aaral na siyang magagamit ng mga ito sa kanilang kinabukasan.
Bukod kay Fresnedi, kabilang sa mga naitalagang tagapangasiwa ng Senior High School Task Force ay sina Priscilla De Sagun, Nerissa Lomeda, Phoebe Arroyo, Dr. Florante Marmeto, Gina Urquia, Congressman Rodolfo Biazon, Councilor Stephanie Teves, Glenda Aniñon, Gary Llamas, Elvie Quiazon at Noli Chua.
Ang ganitong mga hakbang ng isang lungsod ay matatawag nating may pagmamalasakit dahil ang kinabukasan ng kanilang mga kababayan ang kanilang pinag-iisipan kung paano mabibigyan ng magandang bukas.
Saludo kami sa hakbang na ito ni Fresnedi at iba pang indibidwal na katuwang sa proyektong ito, sana ay gawin itong ehemplo ng iba pang lungsod at munisipalidad hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment