MATAPOS ang halos sunod-sunod na mga aberya na inabot ng depektibong Metro Rail Transit (MRT-3), nabitak na naman ang riles nito kaninang umaga, Oktubre 2.
Sinabi ni MRT 3 officer-in-charge Renato San Jose, na nadiskubre ang nabitak na riles dakong 7:45 a.m. sa may parteng southbound lane pagkalampas lamang ng Boni Avenue Station.
“Iyung signaling system nagpakita ng track abnormality indication kaya in-advise natin ang tren na malapit sa area para tingnan. Nakita ang broken rail sa southbound lane after ng Boni Station,” pahayag ni San Jose.
Dahil dito, ang biyahe sa pagitan ng Taft Avenue at Shaw Boulevard stations ay pansamantalang itinigil.
Habang ang biyahe sa Shaw Boulevard at North Avenue stations ay pinagpatuloy pa.
Kinukumpuni na aniya ang nabitak na riles upang maibalik sa normal ang MRT operations.
Sentimiyento naman ng isang pasahero na ang ibang mga pasaherong pa-southbound lane ay nahirapan sumakay mula sa Shaw Boulevard, sa Mandaluyong na pinagbabaan nila.
“Pagsakay ko ng mga 7:40 a.m. sa Quezon Avenue station, nasa Kamuning station na kami nung sinabi ng driver ng train na hanggang Shaw Boulevard lang ang itatakbo ng train namin dahil may aberya o technical problem sa Boni Station.” Pila ang mga tao sa kalye sa Shaw station. Walang masakyan dahil puno ang bus pa-Baclaran at Alabang.” Kwento pa nito.
Sa pinakahuling ulat, alas-8:40 kaninang umaga rin ay naibalik na sa normal ang MRT operations. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment