LUMIKHA na naman ng iskandalo para sa Philippine National Police (PNP) ang pagkakagamit ng isang modelo sa calling card ng opisyal para hindi mahuli sa traffic violation.
Kapag minamalas nga naman. Naganap ito sa panahon na mainit ang mata ng publiko sa ating mga alagad ng batas dahil sa sunud-sunod na krimen na kinasangkutan ng mga pulis at isyu ng korapsyon at hindi maipaliwanag na yaman umano ni PNP Director-General Alan Purisima.
Ang kapalpakan ay nabuko nang ipagyabang ng modelong si Alyzza Agustin sa kanyang Facebook page na hindi siya hinuli sa paglabag sa “color-coding” nang dahil sa calling card ni “Boss Alex”, na ang tinutukoy ay si Chief Superintendent Alexander Ignacio, Director ng PNP Directorate for Plans.
Isinama rin ni Agustin ang larawan ng calling card na nagpapakita sa pangalan ni Ignacio, puwesto, at logo ng PNP. Sa likod ay may mensaheng “Please assist my EA, Alyzza Agustin” at kasunod nito ay may pirma.
Ang hinala agad ng marami ay babae siya ng heneral. Pinintasan at ginawa itong katawa-tawa sa mga puna sa Internet, tulad ng nagsabi na ang ibig daw sabihin ng EA ay “extrang asawa” imbis na “executive assistant”.
Dahil umani ng kontrobersya ang ginawa ni Agustin ay humingi siya ng paumanhin sa kanyang mga kapwa motorista, kay Ignacio at sa kanyang pamilya, at sa buong PNP.
Nilinaw rin niya na hindi niya kilala nang personal si Ignacio bago i-deactivate ang kanyang Facebook page.
Tahasang itinanggi ni Ignacio na kilala niya si Agustin. Hindi raw niya ito babae o executive assistant, at walang posisyong EA sa kanyang opisina. Pero maraming opisyal ang nagno-note na “Please assist my EA” o “Please assist a member of my staff” sa calling card kahit hindi sa kanila nagtatrabaho ang tao na binigyan, para mapaboran ito kapag kinailangan.
Mali raw ang impormasyon sa calling card dahil chief superintendent siya na one-star rank at hindi director na two stars ang ranggo. Pero totoo rin naman na may mga dibisyon sa PNP na director ang namumuno kahit na chief superintendent ito, at halimbawa na rito ang Manila Police District.
Dapat bang isara ang isyu matapos mailabas ang kanya-kanyang panig ng pagtanggi ni Ignacio at pagso-sorry ni Agustin? Ang kultura ng paggamit ng calling card ng opisyal para makalusot o mapaboran ay matagal nang umiiral sa atin.
Hindi raw kilala ni Agustin si Ignacio, pero pinasalamatan niya ito sa una niyang FB post na parang sa opisyal nagmula ang card: “Nahuli na naman ako dahil coding but because of you, Boss Alex, wala ng huli-huli. Thank you so much sa napaka-useful mong card with matching dedication pa.” Hindi rin nilinaw ng modelo kung kanino niya nakuha ang card na ginamit.
Kailangan ang masusing imbestigahan dahil kung hindi iyon nanggaling kay Ignacio, baka may grupong gumagawa ng pekeng calling cards na gamit ang pangalan ng mga opisyal para sa personal na kapakinabangan. Baka isipin ng iba na pulis pa rin ang nasa likod ng raket na ito.
Hindi labag sa batas ang pagbibigay ng calling card. Pero kung gagamitin ito para mabigyan ng pabor o makaiwas sa aresto, o kaya ay pineke ito, ay ibang usapan na. Baka pati kriminal ay nakalulusot sa huli nang dahil dito.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT B. ROQUE, JR.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment