Monday, October 6, 2014

DUWAG LANG BA TALAGA O PINERA NA LANG?

MALI sa dilang mali ang utos ni Don Benigno Aquino III kay Defense Secretary Voltaire Gazmin na itigil ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng ating paliparan sa Kalayaan Island ng Palawan.


Ang katwiran ni Pnoy, baka raw masira ang kanyang rehimen sa International Court of Justice (ICJ) dahil sa isinampang kaso kontra sa pag-angkin ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Baka raw kasi makaapekto ang pagsasaayos sa estado ng reklamo?


Mali! Tayo ang may kauna-unahang paliparan sa maraming pulo sa Spratlys. Tayo ang may-ari sa anomang batayan at datos, sa sukat man batay sa pandaigdigang kasunduan sa United Nations sa kasaysayan.


Kung aayusin ang paliparan, hindi ito pandigma kundi sa mga kababayan natin na nasa munisipyong isla ng Kalayaan. Iyan dapat ang nasa kukote mo, Mr. Aquino.


Dapat mong bigyan ng pangunahing pansin ang pagsasaayos ng paliparan sa Kalayaan. Hindi lang iyan. Dapat magpagawa ka ng malaki at matibay na daungan para sa mga sasakyang dagat na gustong magtungo roon – pangnegosyo man o turismo ang layunin. Marami sa mga kababayan natin ang gustong tumira sa Kalayaan pero dahil sa sobrang kakulangan ng serbisyo ng gobyerno, nagsibalik sila sa dati nilang tirahan.


Sa laki ng pera sa iyong bulsa mula sa PDAF at DAP, Malaki sana ang maitutulong mo sa bayan na iyan. Maaari kang magpatayo ng pabahay o mismong gawin ang pulo na malayang kulungan ng mga preso mula sa National Bilibid Prison o provincial at city jails na talo pa ang mga sardinas sa sikip ng mga kulungan.


Ano ba talaga ang dahilan, Mr. President? Naduwag ka ba dahil umalma ang China at nagbanta na huwag magtayo ng anomang imprastraktura sa inaangkin nila na mga isla natin?


O baka naman nanghihinayang ka at mga kaalyado mo sa Partido Liberal sa laki ng pera na kailangan sa Kalayaan kaya minabuti ninyong huwag na lang ituloy ang proyekto dahil kailangan ninyo sa eleksyong 2016? Pinera na ba ninyo?


Hindi masama na sabihin ko sa iyo, Mr. Aquino, kung hindi sa kayabangan mo, hindi sana nagwala ang China at hindi sinakop ang ilang isla natin diyan sa Spratlys. Nakabili ka lang kasi ng segunda mano na barkong pandigma, tinakot na ninyo ang mga mangingisdang Tsino!


Nang umalma ang gobyerno nila, nagresulta sa pagkawala ng marami nating teritoryo! Ang mga ,mangingisda natin na dati ay sagana sa mga palaisdaang dagat, ngayon, mistulang mga pulubi na! BALETODO/ED VERZOLA


.. Continue: Remate.ph (source)



DUWAG LANG BA TALAGA O PINERA NA LANG?


No comments:

Post a Comment