NALAMBAT na ng awtoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay sa nanay ng aktres na si Cherry Pie Picache sa Sta. Rosa, Laguna nitong Martes ng gabi (Oktubre 7).
Hindi na nakapalag pa at sumuko agad ang suspek na si Michael Flores, 29, tubong Catmon, Cebu at residente Bgy. San Vicente, San Pedro, Laguna nang palibutan ng mga tauhan ng Sta. Rosa PNP.
Sa ulat, nahuli si Flores dakong 10:45 ng gabi sa loob ng Garden Villas 3 Subdivision sa Bgy. Malusak, Sta. Rosa City, Laguna.
Bago ito, nakatanggap ang Sta. Rosa PNP ng impormasyon na nakita si Flores na naninigarilyo sa labas ng isang bahay sa nasabing subdibisyon.
Tawag ng tungkulin, pinuntahan agad ng mga tauhan ng pulisya ang lugar at nang maispatan ang target na ang pinagbasehan ay ang artist sketch ay agad itong hinuli.
Sa presinto, itinanggi ni Flores na siya ang pumatay sa biktimang si Zenaida Sison, 75, noong nakaraang Setyembre 19 sa bahay nito sa #19-A Scout Lazcano St., Bgy. Paligsahan, Q.C.
Pagnanakawan lamang nila ang biktima pero sumigaw ito kaya pinagsasaksak ng isa sa kanyang dalawang kasabwat. May kalahating milyong pisong halaga ng alahas ang nawawala at pinaniniwalaang natangay ng grupo ni Flores.
Inamin din ni Flores na nagpagupit siya ng buhok para hindi makilala at nagpatago-tago sa iba’t ibang lugar para hindi mahuli.
Lumutang ang pangalan ni Flores nang makilala ng may limang testigo ang naiwan nitong duguang stripe na t-shirt at maong pants sa loob mismo ng bahay ni Sison.
Si Flores na dating kasambahay ng Sison family ay bumibisita para maglinis lamang ng bahay ng biktima pero umuuwi rin sa hapon.
Ayon naman sa abogado ni Cherry Pie na si lawyer Ferdinand Calunsag, isasampa na nila agad ang kaukulang kaso laban kay Flores at sa dalawa pang kasamahan nito na sadyang hindi pinangalanan.
Ikinasa na rin ng awtoridad ang pagtugis sa dalawa pang kasabwat ni Flores. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment