PUSPUSAN na ngayon ang paghahanap ng awtoridad para maparusahan na ang pumatay sa nanay ng beteranang aktres na si Cherry Pie Picache.
Ito’y matapos kilalanin ng may limang testigo ang isang stripe na duguang t-shirt at shorts na naiwan sa bahay ng biktimang si Zenaida Sison, 75, na pag-aari ng suspek na nakilalang si Michael Flores, 29, tubong Cebu at residente ng Taguig City. Natagpuan din ang bread knife na ipinangsaksak sa biktima.
Bukod pa rito, nakita rin ng Quezon City Police District (QCPD) sa CCTV camera sa lugar ang pagdaan mismo ni Flores sa bahay ng biktima bago ito natagpuang patay sa loob ng kanyang bahay sa 19-A Scout Lazcano St., Bgy. Palisagahan, Q.C. noong Setyembre 19.
Si Flores, na isang stay out na hardinero at kasambahay ay kinuha ng pamilya Sison para magsilbi sa biktima.
Dahil tumagal din sa paninilbihan, posibleng nakatunog ito na may pera at mga alahas na naitatabi si Sison kaya dahil isang pusakal na magnanakaw ay plinano ang maitim na balak.
Pinuntahan na rin agad ng QCPD operatives kahapon, Oktubre 2, ang mga kamag-anak ni Flores sa Laguna town sa pag-aakalang doon ito nagtatago pero nabigo itong makita.
Inilabas na rin ang QCPD ang mismong litrato ni Flores para may ideya ang publiko kung ano ang itsura nito sakaling makita nila ito sa daan.
Kung sakali namang maaresto si Flores na may apat na kasong pagnanakaw, maaring mapiga ito para mainguso naman ang pagkakakilanlan ng kanyang iba pang kasamahan.
Bukod sa walang awang pagpatay, nawawala rin ang pera at mga alahas ni Sison na tinatayang aabot sa kalahating milyong piso.
Nag-alok naman ang ilang concerned anti-crime group ng P50,000 pabuya para sa sinomang makapagtuturo sa pinagtataguan ni Flores. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment