Wednesday, October 1, 2014

Iba’t ibang sakit dumapo sa Mayon evacuees

NAILAYO man sa tiyak na kapahamakan sa kalamidad, napalapit naman sa karamdaman ang halos 500 Mayon volcano evacuees sa Albay.


Kaya naman, tuloy-tuloy ang paglalatag ng medical mission ng mga health officials sa Albay para sa mga evacuation sites maliban pa sa nakaposisyon na mga health assistance centers na siyang nag-aasikaso sa may sakit na mga evacuees.


Ang mga evacuees ay tinamaan ng sakit tulad ng respiratory infection, lagnat, sakit ng ulo, high blood pressure, diarrhea at iba’t ibang klaseng sugat sa katawan.


Maliban sa mga nagkakasakit, naiatala rin ang mataas na kaso ng malnutrisyon sa may 500 mga kabataan na nasuring malnourished o kulang sa sustansya ang katawan.


Sa kabila nito, nilinaw naman ni Dr. Nathaniel Rempillo, head ng Albay Provincial Health Office, hindi pa naman maituturing na health crisis ang sitwasyon dahil kung sa isang maliit na komunidad ito ibabase ay normal lamang ang mga ganitong kondisyon.


Ayon pa sa opisyal, ang kanilang ginagawa ngayon ay bahagi lamang ng health care na kanilang ibinibigay sa mga evacuees.


Samantala, ginagawan na rin ng paraan ng lokal na pamahalaan na matugunan ang kakulangan sa sanitary toilet maging sa non-potable water na siyang ginagamit sa pang-araw-araw na paglilinis ng mga evacuees na isa rin sa mga itinuturong dahilan ng pagkakasakit nila.


Kasabay nang pamimigay ng libreng gamot at konsultasyon, ipinaalala rin naman ng Provincial Health Office na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang pagdapo ng mga sakit. ROBERT TICZON


.. Continue: Remate.ph (source)



Iba’t ibang sakit dumapo sa Mayon evacuees


No comments:

Post a Comment