Wednesday, October 1, 2014

Ehersisyo sa matatanda, ipinayo

PINAYUHAN ng Department of Health (DoH) ang mga matatanda, partikular na ang mga senior citizens, na tiyakin na mayroon silang regular na ehersisyo para matiyak na nasa maayos silang kalusugan.


Ito’y kasunod nang pag-obserba ng bansa sa Elderly Filipino Week.


Kasabay nito, inilunsad na rin ng DoH ang isang “dancercise” sa Mall of Asia, na nilahukan ng may 2,000 senior citizens na nakisayaw kasama si Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag.


Ang naturang dancercise ay may temang “Walk for Life: Ang Nakatatanda ay Yaman, Katuwang sa Pag-unlad ng Bayan, Pangalagaan Kanilang Kapakanan.”


Layunin ng programa na gawing health conscious ang mga matatanda.


Ayon kay Tayag, maraming senior citizens ang nakukuntento na lamang na laging nasa loob ng kanilang bahay, ngunit ang marapat aniya ay maging active pa rin ang mga ito para pagkakaroon ng maayos na kalusugan.


Ang pagsali aniya sa mga exercise routine o kahit na paglalakad o simpleng ehersisyo gaya ng pagsasayaw ay makatutulong para din makaiwas sa sakit.


Kahit pa man aniya may mga iniindang sakit gaya ng diabetes o mataas na cholesterol at iba pa, ay may mga ehersisyo naman na maaaring gawin.


Mas mabuti aniyang makipag-ugnayan sa kanilang mga doktor para malaman kung anong mga uri ng exercise ang maaaring gawin.


Maliban sa pagkakaroon ng regular na ehersisyo dapat din umanong maging maingat lalo ang mga matatanda sa kanilang pagkain at tiyaking masustansya ang mga pagkaing kinakain ng mga ito.


Mas mainam rin kung iiwas na ang mga ito sa mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.


Nabatid na isa lamang ang dancercise sa iba’t ibang programa na inihanda ng DoH para sa isang linggo na selebrasyon ng Elderly Filipino Week.


Bukod sa dancercise, magbibigay din ang DoH ng libreng health services gaya ng bone scanning, random blood sugar testing, cholesterol testing, free pneumococcal vaccines, at medical consultation. MACS BORJA


.. Continue: Remate.ph (source)



Ehersisyo sa matatanda, ipinayo


No comments:

Post a Comment