Sunday, October 5, 2014

AWAY NINA ERAP AT GEN. ASUNCION, MPD KABADO

LABAG man sa kalooban ay napilitang pumayag si Manila Mayor Joseph Estrada, na maging open ang sugal sa Maynila habang hindi pa nabibigyan ng kaukulang solusyon ng nasyunal at lokal na pamahalaan upang mabigyan ng trabaho ang personnel ng nasabing iligal na sugal.


Ang hakbang ng alkalde ay upang hindi magutom ang karamihan sa mga mamamayan sa kanyang kaharian at huwag ang mga ito masangkot sa iligal na droga.


Subalit, hindi lahat ng sugal ay pwede sa Maynila.


Ayaw na ayaw ni Estrada sa video karera na ayon sa kanya ang karaniwang naglalaro rito ay mga bata na dapat sana ay nasa paaralan sa halip na ginugugol ang oras sa pagsusugal.


Pero tila yata may away itong si Estrada at ang director ng Manila Police District (MPD) na si Chief Supt. Rolando Asuncion, na noong maupo ay naglunsad agad ng all-out war against illegal gambling.


Sinuway na ni Asuncion ang utos ng alkalde dahil pasok na ang mga makina ni Gina Gutierrez sa lahat ng sulok ng Maynila.


Tumatanggap na ng lingguhang payola ang “Hari ng MPD” na nagmamalaking tanging kay “Scam King” Butch Abad lang siya may utang na loob sa pagkakaupo niya bilang director ng MPD.


Kaya ba hindi niya kinikilalang amo si Erap? Kaya ba ang lahat ng utos ng alkalde ng Maynila ay kanyang kinokontra?


Kahit nga si Vice Mayor Isko Moreno ay hindi rin kinikilala ng magaling na hepe ng MPD dahilan kaya nang magresponde ito sa ilang beses na bomb threat sa Taft Avenue ay sinabihan ng magiting na heneral si Isko nang “OA naman.”


Kung para kay Asuncion ay overacting itong si Isko ano naman kaya si Erap para sa kanya? Malamang para sa heneral ay kontrabida itong si Erap, bakit?


Kasi ipinag-utos ni Erap ang pag-raid ng mga VK sa Maynila nang hindi alam ni Asuncion.


Bakit nga ipaaalam kung alam naman ng alkalde na ang headquarters ang patong sa sugal? Mag-isip nga si Asuncion. Si Erap nag-iisip bakit ikaw na may estrelya sa balikat ay hindi nag-iisip.


Naghihinayang ka sa ibinibigay na libo-libong salapi na galing sa VK?


Naku, kaya lalong nasisira ang kapulisan ay merong mga katulad ni Asuncion kung mag-isip.


Philippine National Police chief Dir. Gen. Alan Purisima, itong klase ba ng heneral na inilapit mo pa kay Erap ang sisira pang lalo sa iyong pangalan?


Kumilos na dapat si Purisima at sibakin na itong si Asuncion sa puwesto nang matuwa na ang karamihan sa mga pulis na nagtatrabaho lang pero sinibak sa puwesto dahil ayaw ni Asuncion ng may kahati sa kita sa koleksyon mula sa mga iligal sa Maynila.


Hindi lang naman mga pulis ang galit kay Asuncion, pati mga mamamahayag dahil sa pagiging plastic nito.


Alam kaya ng publiko na dahil sa away nitong si Mayor Erap at MPD Director, Gen. Asuncion ay apektado ang mga pulis Maynila?


At dahil sa bangayan ng dalawa ay nangangamba at kinakabahan ang mga pulis na baka hindi maibigay ng city hall ang kanilang P2,500 monthly allowance kung saan pinakahuli ay noon pang Abril.


Hindi na dapat pinagtatagal sa puwesto ang ganitong klaseng opisyal. Linisin ang Maynila.


Sipain na si Asuncion. Alis! LILY’S FILES/LILY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



AWAY NINA ERAP AT GEN. ASUNCION, MPD KABADO


No comments:

Post a Comment