Monday, October 6, 2014

ANOMALYA NG DPWH MAIN OFFICE SA TULAY

PINUPUTAKTI ng puna ang paggiba ng kontraktor ng Dept. of Public Works & Highways (DPWH) sa lumang Bancal Bridge na nasa kahabaan ng Zambales-Pangasinan Road, Palanginan, Iba, Zambales na may katabi na ngayong bagong gawa.


Ito Ang Totoo: 1935 o bago pa ang “World War II” ay nakatayo na ang lumang Bancal Bridge, bago pa ipanganak ang kaibigan nating si kasamang Ed “Baletodo” Dan Verzola.


Batay mismo sa patakaran ng inutil na National Historical Commission (NHC), anomang may o higit 50-taon-gulang ay maituturing nang “Historical Site” kaya, kahit magtututuwad si DPWH Sec. Rogelio Singson sa harap ni Pangulong Benigno S. Aquino III, mali ang kawalan ng pagpaplano para maipreserba ito.


Mahigit P80-milyones ba naman ang budget na mismong main office ng DPWH ni Singson ang namahala at hindi ipinagkatiwala sa distrito ng DPWH sa Zambales para nga naman mga taga-main office ang kikita, ‘di po ba?


Katwiran ngayon ng balasubas na contrator ng DPWH, nasa “up stream” ng bagong gawang tulay ang lumang tulay kaya dapat gibain kasi panganib ito sa bagong tulay na maaaring mapinsala sakaling magiba sa kalumaan.


Ayon sa balasubas na kontraktor, kasama sa kontrata nila ang paggiba ng lumang tulay at ang mga bakal na mai-scrap ay kasama sa kanilang kita kaya malinaw na sinadya na sa “down stream” ng lumang tulay ilagay ang bagong tulay para nga naman may katwirang gibain ito at pagkakitaan.


Ito Ang Totoo: may bago na ngang Bancal Bridge pero kung makikita po ninyo, parang ahas na liko-liko at ang semento, kahit na bago ay labas-labas na ang mga bato.


“Spiking” ang tawag ng mga enhinyero sa paglabas ng bato, ibig-sabihin, balahura ang pagkatrabaho ng kontraktor sa bagong Bancal Bridge.


Ito Ang Totoo: walang respeto sa mga Zambaleño ang kontraktor at main office ng DPWH mismo kaya akala ng mga hinayupak ay pwede na ang balbon nilang trabaho.


Kung hindi man mapigilan ang paggiba sa makasaysayang lumang tulay na dinaanan na ng panahon ng Hapon, sana itong bagong tulay na liko-liko, usli ang bato at balbon ay masita naman ni Pangulong Aquino. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.


.. Continue: Remate.ph (source)



ANOMALYA NG DPWH MAIN OFFICE SA TULAY


No comments:

Post a Comment