LAGING sinasabi ni Pangulong Aquino na makikinig at susundin niya ang tinig ng kanyang mga “boss.”
Kahit siya’y binabatikos sa mga kabalbalan…ng kanyang mga bataan, laging sinasabi ni Pangulong Aquino na wala siyang susundin kundi ang kagustuhan ng kanyang mga “boss”.
Ang kanyang mga “boss” ay tayong mga Pinoy na nagluklok sa kanya sa poder. Tama naman na tayong mga “boss” ang dapat pakinggan ni PNoy. Pero nitong huli, masyado tayong ginamit ni PNoy. Kapag sumasablay siya, sa atin siya tumatakbo. Sa atin siya humihingi ng saklolo. Sa atin siya nagsusumbong sa pambabatikos ng kanyang mga kritiko.
Hindi naman babatikusin si PNoy kung tuwid ang kanyang ginagawa. Sa kanyang kampanyang “Tuwid na Daan”, pulos baluktot ang nakikitang ginagawa niya. Baluktot na ipagtanggol ang mga mali niyang tauhan. Nakikita na nga ng kanyang mga “boss” na mali, pilit pa niyang itinatama. Matindi ang pag-iral ng “palakasan system” kay PNoy. Kapag kalaban, hindi niya sinasanto. Tuloy ang mga kaso. Kapag kanya namang kampi, santo ang tingin niya.
Isang halimbawa na itong isyu kay PNP chief, Director General Alan Purisima.
Inaakusahan si Purisima ng pagpapayaman habang nasa puwesto. May nabulgar na mansyon at magagarang sasakyan si Purisima na hindi umano kayang bilhin ng kanyang suweldo. Saan galing ang kanyang pera?
Ngunit ayon kay PNoy, si Purisima ay hindi maluhong tao at hindi matakaw. Hindi ba maluho na magkaroon ng malaking swimming pool, malawak na lupain, magarang mansyon at bullet proof na sasakyan?
Habang dumarami ang malalawak na lupain, magagarang sasakyan at pera ni Purisima, maraming pulis na napipilitang gumawa ng masama upang bumilis ang pag-asenso kasi’y hindi sapat sa kanila ang sinusuweldo.
Dahil sa pagtatanggol sa mga baluktot na tao, marami ang hindi na naniniwala sa “Tuwid na Daan” ni PNoy. Marami ang gustong maalis na siya sa puwesto. May nagsampa ng Impeachment para siya’y patalsikin.
Ngayon heto, gusto pa ni PNoy na manatili sa poder pagkatapos ng kanyang termino. Iyon daw ang isinisigaw ng kanyang mga boss ‘pagkat gusto raw maipagpatuloy niya ang ginawang reporma. Ang kapal din ng mukha, ano po? Ireporma mo ang neknek mo!
Nagsalita na rin sa wakas ang mga boss mo, PNoy. Malakas itong sampal sa makapal n’yong mukha para magising kayo. Ayon sa Pulse Asia survey, anim sa bawat 10 Pinoy ang tutol sa term extension po ninyo. Ibig-sabihin, 60% ng mga Filipino ang tutol sa Charter change o pag-amyenda sa batas na para mapalawig ang anim na taong limitasyon sa termino ng Presidente.
At ibig pong sabihin uli PNoy, tutal ay lagi ninyong binibigyang-diin na makikinig ka sa boss mo, iyan na po ang kanilang tinig.
Kung hindi pa rin ninyo ito naiintindihan, sinasabi po ng mga boss n’yo na ayaw na nila sa inyo na magtagal pa diyan sa Malakanyang.
Kaya ngayon pa lamang po, magbalut-balot na kayo! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment