NALAMBAT ng mga awtoridad ang tatlong robbery-holdup suspek na nambibiktima ng mga commuters sa footbridge sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City sa ulat kanina Oktubre 7, Martes, ng pulisya.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Richard A. Albano ang mga suspek na sina Dante Santos, 23, Jason Ventura, 23, pawang ng Bgy. Payatas, QC at Benzon Vega, 21, ng 91 Capas St., Bgy. Holy Spirit, QC.
Sa ulat ni Police Station-6 Commander, Police Superintendent Segundo Lagundi, Jr., sina Santos at Ventura ay nadakip dakong 10:30 kagabi ilang segundo makaraang holdapin ang isang Jenny Pumaren, 31, waitress sa Bgy. Fairview gamit ang patalim.
Nabatid na naglalakad si Pumaren sa Ever Gotesco Footbridge sa Commonwealth Avenue nang lapitan ito ng mga suspek at holdapin. Kasunod nito ay tinangay ng dalawa ang cellphone ng biktima saka tumakas.
Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatulyang tropa ng QCPD station-6 at nadakip ang mga suspek. Narekober din sa mga suspek ang cellphone ng biktima at patalim na ginamit ng mga ito.
Samantala, nadakip naman si Vega nang magkamali ito sa pambibiktima sa pulis na si PO1 Richard Anthony, dakong 8:00 kagabi, habang nasa footbridge din ng Commonwealth Avenue.
Ayon sa ulat, kasama ni Vega ang isa pang lalaki at sikretong dinukot umano nito ang cellphone ng pulis, subalit nakatunog ang huli at inaresto ang una, habang nakatakas naman ang kasama nito. SANTI CELARIO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment