MARAMI na raw ang hindi nakaaalam kung bakit holiday ang August 21.
Madali raw makalimutan ng mga pinoy at ‘yung ibang naabutan pa ang totoong nangyari noong August 21, 1983.
Lalo ang mga bata, walang alam kaya walang halaga sa kanila ang ginugunita sa petsang ito.
Pero may isang bata akong natanong. Siya ay 12-years old at nag-aral sa aking alma mater na Claret School of Quezon City.
Ang sabi n’ya, walang pasok kapag August 21 kasi ito ang araw na na-assassinate si Ninoy Aquino sa airport.
Si Ninoy raw ang tatay yata ni Pangulong Noynoy, o “tiyo ba?” ang pag-aalangan pa niya.
Ang sabi ko, tama siya, tatay at hindi tiyuhin ni PNoy si Ninoy.
Tinanong ko ang bata kung paano niya alam ang impormasyong ito. Sabi niya, sinabi raw kasi sa kanya ng nanay niya at tinalakay nila sa eskwela ang history ng Aug. 21.
Tinanong niya ako kung bakit hindi pa alam hanggang ngayon kung sino ang pumatay kay Ninoy.
Ang sabi pa niya, siguro raw ay kaibigan lang ni Ninoy ang pumatay sa kanya, bilang sakripisyo, para magsimula ang isang revolution.
Namangha ako sa tinakbo ng isip ng bata pero naiintindihan ko kung bakit may interes siya sa mga salitang assassination at revolution.
Dahil ito sa uso ngayon na mga computer game na gumagamit ng mga salita at tumatalakay ng mga paksa tungkol dito.
Pero isa lang ang napatunayan, ituro lang natin ay maipapasok sa isip ng kabataan ang kwento ng kasaysayan.
Kailangan lang na malaman nila ang mga totoong datos, ang walang interpretasyong kwento at sila na ang hihimay nito, sila ang bubusisi at iintindihin nila ang aral ng kaysayan para sa buhay at mundong kanilang ginagalawan.
Hindi ko sinusugan ang ideya ng bata tungkol sa assassination pero natuwa ako sa interes niya sa kasaysayan.
Mahalaga siguro rin lang na igiya natin ang mga bata para bigyang halaga ang kung ano ang iniwang kwento ng ating mga bayani at kung ano ang kontribusyon nila sa buhay na tinatamasa natin ngayon.
***
Mag-email ng inyong opinyon at suhestiyon sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09178295982 o 09235388984 SIBOL/Atty. Ariel Enrile-Inton
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment